ISINALBA ng buzzer-beater ni Stephen Curry ang Golden State Warriors para sa 105-103 panalo laban sa Houston Rockets sa San Francisco.
Naghahabol ng siyam na puntos, may 4:49 ang nalalabi, naitabla ng Warriors ang talaan sa 103-all sa pares ng free throws ni Otto Porter Jr., may 1:22 sa orasan, pagkatapos ay nakuha ang final possession nang magmintis ang 3-point attempt ni Houston’s Garrison Mathews, may 8.5 segundo ang nalalabi.
Tumapos si Curry na may game-high 22 points para sa Warriors, na natalo ng anim sa kanilang huling siyam na laro. Umiskor si Jordan Poole ng 20 points, at nag-ambag si Andrew Wiggins ng 17.
Kumubra si Christian Wood ng 19 points at 15 rebounds upang pangunahan ang Rockets, na nakumpleto ang 3-2 road trip.
NETS 117,
SPURS 102
Nakalikom si James Harden ng 37 points, 11 assists at 10 rebounds upang pangunahan ang Brooklyn sa panalo kontra San Antonio.
Abante ang Nets ng limang puntos sa pagtatapos ng third quarter matapos ang late run at naipagpatuloy ang momentum sa fourth, matatag na lumayo sa huling walong minuto.
Nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 16 points mula sa bench para sa Nets sa kanyang unang pagbabalik sa San Antonio magmula nang pakawalan ng Spurs noong nakaraang season. Nanguna si Dejounte Murray para sa Spurs na may 25 points, 12 rebounds at 10 assists upang maitala ang kanyang ikalawang sunod na triple-double at ika-9 sa season.
LAKERS 116,
MAGIC 105
Nagbuhos si LeBron James ng 29 points, nagdagdag si Russell Westbrook ng 18 points at 11 rebounds at sinimulan ng Los Angeles ang six-game road trip sa pamamagitan ng panalo laban sa Orlando.
Naitala ni Carmelo Anthony ang 19 sa kanyang 23 points sa second half, upang tulungan ang Lakers na maibalik ang kanilang overall record sa .500 mark (23-23). Naipasok ni Anthony ang 4 sa 5 3-point attempts at tumapos ang Los Angeles na 13-for-30 mula sa arc.
Naunahan ni James si Paul Pierce sa 15th place sa NBA’s total games played list (1,344). Si Wendell Carter Jr. ay isa sa anim na Magic players na nasa double figures na may 19 points makaraang lumiban sa pitong laro dahil sa hamstring injury.
JAZZ 111,
PISTONS 101
Kumana si Rudy Gobert ng season-high 24 points at kumalawit ng 14 rebounds habang nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng 23 points nang pataubin ng Utah ang Detroit sa Salt Lake City.
Naipasok ni Gobert, kuwestiyonable bago ang laro dahil sa ankle soreness, ang 8 sa 11 field-goal attempts at nagtala ng apat na blocked shots. Nakakuha ang Utah, na muling naglaro na wala si Donovan Mitchell (concussion protocol), ng 20 at 19 points, ayon sa pagkakasunod, mula kina Jordan Clarkson at Mike Conley.
Nanguna si rookie Cade Cunningham para sa Pistons na may 25 points at 5 assists. Kumalawit din siya ng 6 rebounds. Umiskor si dating Jazz forward Trey Lyles ng 16 mula sa bench.
Sa iba pang laro: Hawks 110, Heat 108; Hornets 121, Thunder 98; Trail Blazers 109, Celtics 105; Raptors 109, Wizards 105; Clippers 102, 76ers 101; Bucks 94, Bulls 90; Grizzlies 122, Nuggets 118.