NAITALA ni Kevin Durant ang siyam sa kanyang team-high 35 points sa huling 5:35 at naisalpak ni Stephen Curry ang isang back-breaking 3-pointer, may 25.9 segundo ang nalalabi nang gapiin ng Golden State Warriors ang Houston Rockets, 104-100, sa Game 1 ng Western Conference semifinals sa Oakland, California.
Nakatakda ang Game 2 sa best-of-seven sa pagitan ng top-seeded Warriors at ng fourth-seeded Rockets sa Martes ng gabi sa Oakland.
Sa dikit na laro na tinampukan ng poor 3-point shooting at turnovers, tumabla ang Warriors sa 89-89, may anim na minuto ang nalalabi bago umatake si Durant.
Naipasok niya ang dalawang free throws, may 5:35 ang nalalabi, na nagbigay sa Golden State ng kalamangan at hindi na lumingon pa, Ang kanyang tatlong sumunod na free throws at dalawang field goals ay nagbigay sa Warriors ng 100-95 bentahe, may 1:26 sa orasan.
Subalit isang three-point play ni James Harden ang naglapit sa Houston sa dalawang puntos, bago gumanti si Curry ng 3-pointer na naging decisive.
Bumuslo si Durant ng 12-for-15 mula sa line sa kanyang 35-point outing para sa Golden State, na nagwagi sa kabila na nakagawa ng 20 turnovers.
Umiskor din sina Curry (18 points), Andre Iguodala (14), Draymond Green (14) at Klay Thompson (13) ng double figures para sa Warriors, na nagtatangka sa kanilang ikatlong sunod na NBA title.
Nag-ambag din si Green ng 9 rebounds at 9 assists sa panalo.
Samantala, naisalpak nina Al Horford at Jaylen Brown ang 3-pointers sa isang 12-point, third-quarter flurry noong Linggo ng hapon na bumura sa momentary deficit at inihatid ang bumibisitang Boston Celtics sa 112-90 panalo laban sa top-seeded Milwaukee Bucks sa opener ng kanilang Eastern Conference best-of-seven semifinal playoff series.
Makaraang igupo ang Bucks ng isang beses lamang sa tatlong pagtatangka sa regular season, tatargetin ng fourth-seeded Celtics ang 2-0 kalamangan sa muli nilang paghaharap sa Milwaukee sa Martes ng gabi.
Si Kyrie Irving ang top scorer na may 26 points, at kinumpleto ang double-double na may game-high 11 assists para sa Celtics, na winalis ang Indiana sa first round.
Kumana si Horford ng tatlong 3-pointers, habang tumapos si Brown na may 19, at nagdagdag sina Gordon Hayward ng 13 at Terry Rozier ng 11.
Na-outshoot ng Celtics ang Bucks, 54.0 percent kontra 34.8.
Nagtala rin si Horford ng double-double para sa Boston, sa paghablot ng game-high 11 re-bounds.
Comments are closed.