PINANGUNAHAN ni Bojan Bogdanovic ang anim na Utah players sa double figures na may 23 points nang putulin ng Jazz ang nine-game winning streak ng Golden State sa pamamagitan ng 111-85 panalo nitong Miyerkoles sa Salt Lake City.
Tumapos si Donovan Mitchell na may 14 points, 10 rebounds at 8 assists para sa Utah, na nakopo ang ika-4 sunod na panalo. Nakalikom si reserve center Hassan Whiteside ng 17 rebounds, 9 points at 7 blocked shots.
Umiskor si Golden State’s Jordan Poole ng 18 points at nagdagdag si Steph Curry ng 16 points, ngunit bumuslo lamang ang mga ito ng pinagsamang 10-for-27 mula sa field sa gabing naipasok ng Warriors ang 35.9 percent lamang ng kanilang tira.
Trail Blazers 107, Lakers 105
Kumubra si Anfernee Simons ng 29 points at nag-ambag si Jusuf Nurkic ng 19 points at 12 rebounds para pangunahan ang Portland sa panalo kontra bisitang Los Angeles.
Tumipa sina Justise Winslow at Greg Brown III ng tig-11 points para sa Blazers na nagwagi makaraang gumawa ang koponan ng tatlong trades sa loob ng anim na araw upang palakasin ang kanilang roster. Nanalo ang Portland sa unang pagkakataon magmula noong Jan. 28.
Kumana si LeBron James ng 30 points at nagdagdag si Anthony Davis ng 17 para sa Lakers, na natalo sa ika-6 na pagkakataon sa kanilang huling walong laro. Galing ang Los Angeles sa 99-94 panalo kontra Portland sa home noong nakaraang Miyerkoles.
Sa iba pang laro ay kumamada si Domantas Sabonis ng 22 points at 14 rebounds sa kanyang Sacramento debut at binasag ni Damion Mitchell ang hulinf pagtatabla sa laro sa pamamagitan ng dunk, may 4:13 ang nalalabi nang maiganti ng host Kings ang blowout loss sa naunang araw sa pamamagitan ng 132-119 panalo kontra Minnesota Timberwolves.
Pinatahimik naman ng Raptors ang Thunder, 117- 98; ginapi ng Cavaliers ang Spurs, 105-92; at tinuhog ng Spurs ang Bulls, 121-109.