WARRIORS LUGMOK SA ROCKETS

WARRIORS VS ROCKETS

NAITALA ni James Harden ang 12 sa kanyang team-high 27 points sa third quarter, at sumandal ang Houston Rockets sa balanseng offensive attack upang maitarak ang 107-86 panalo laban sa bumibisitang Golden State Warriors noong Huwebes.

Bumuslo lamang si Harden ng 8 of 23 overall subalit 3 of 5 sa third, kabilang ang 2 of 4 sa 3-point area.

Nag-ambag si James Ennis III  ng 19 points at gumawa si Eric Gordon ng 17 mula sa bench para sa Rockets, na inanunsiyo sa pregame na naghiwalay na sila ng landas ni veteran forward Carmelo Anthony.

Nanguna si Kevin Durant para sa Warriors na may 20 points subalit nagbigay lamang ng dalawang assists.

Sa ika-4 na sunod na laro ay lumiban si guard Stephen Curry dahil sa groin injury.

 NUGGETS 138, HAWKS 93

Nagbuhos si Juancho Hernangomez ng season-high 25 points, tumipa si Paul Millsap ng 18 points at 9 rebounds laban sa kanyang dating koponan, at ginapi ng host Denver ang Atlanta.

Pitong players ng Nuggets ang nagtala ng double figures at naiposte ng koponan ang pinakamalaking winning margin ngayong season.

Umiskor din si Gary Harris ng 18 points, at nagdagdag si Nikola Jokic ng 12 points at 9 rebounds upang tulungan ang Denver na putulin ang four-game losing streak.

Gumawa si Jeremy Lin ng 16 points at tumirada si Kent Bazemore ng 14 para sa  Atlanta. Nalasap ng Hawks ang ika-6 na sunod na talo at ika-10 sa huling 11.

 CLIPPERS 116, SPURS 111

 Umiskor si Lou Williams ng 23 points mula sa bench, kabilang ang siyam sa huling apat na minuto, at nagdagdag si Danilo Gallinari ng 19 nang igupo ng Los Angeles ang bumibisitang San Antonio.

Nagwagi ang Clippers ng lima sa kanilang huling anim na laro, kabilang ang magkasunod na home victories laban sa Golden State Warriors, Milwaukee Bucks at Spurs.

Nanalo rin ang Los Angeles sa kanilang pitong nakalipas na home games.  Nalasap naman ng Spurs ang ikatlong sunod na kabiguan, pawang sa road, at ang ika-5 sa huling anim.

Kumana si Los Angeles-area native DeMar DeRozan ng 34 points para sa  San Antonio, ang ika-9 na pagkakataon sa 14 games na umiskor siya ng hindi baba-ba sa 25 points.

Nagdagdag si Rudy Gay ng 19 points para sa Spurs.