WARRIORS PINABAGSAK ANG ROCKETS

NAITALA ni Stephen Curry ang 21 sa kanyang game-high 40 points sa fourth quarter at nagdagdag si Andrew Wiggins ng 23 points nang ipalasap ng Golden State sa Houston ang ika-11 sunod na  home loss nito.

Nakopo ng Warriors ang kanilang ika-6 na sunod na panalo habang nalasap ng Rockets ang ika-4 na sunod na kabiguan overall. Naiposte ni Curry, bumuslo ng 7-for-10 overall sa final frame, kabilang ang 4-for-7 mula sa 3-point range, ang kanyang ika-6 na 40-point game sa season. Kumalawit si Wiggins ng 5 rebounds at bumuslo ng  8 of 14 para sa Warriors, na nagsalpak ng 53.8 percent mula sa floor at kumamada ng 17 of 40 (42.5 percent) mula sa 3-point arc.

Nagtala sina Christian Wood (24 points, 13 rebounds) at Kevin Porter Jr. (17 points, 11 assists) ng double-doubles para sa Rockets.

76ERS 122, GRIZZLIES 119

Kumamada si Tyrese Maxey ng 33 points, kabilang ang go-ahead driving layup, may 26.4 segundo ang nalalabi sa overtime, at naungusan ng host Philadelphia 76ers ang Memphis Grizzlies.

Tumirada si Tobias Harris ng 31 points at tumipa si Andre Drummond ng16 points at 23 rebounds para sa Sixers na nanalo ng anim na sunod.

Nanguna si Ja Morant para sa Grizzlies na may 37 points at nagdagdag si Desmond Bane ng 34, kabilang ang 5 points sa overtime. Nakalikom si Jaren Jackson Jr. ng 18 at humugot si Steven Adams ng 12 rebounds para sa Memphis, na naputol ang three-game winning streak.

Naglaro ang Sixers na wala si   All-Star Joel Embiid, na pinagpahingw makaraang makumpleto ang 21 sunod na laro.

CELTICS 122, HEAT 92

Nagbuhos si Jaylen Brown ng game-high 29 points at nag-ambag si Jayson Tatum ng 20 points at 12 rebounds upang pangunahan ang host Boston laban sa Miami.

Nagdagdag si Marcus Smart ng 16 points at 7 assists at kumubra si Al Horford ng 14 points at 9  boards para sa Celtics na nanalo sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro.

Kumubra si Miami’s Max Strus ng 27 points habang kumana ng  9-of-17 mula sa 3-point distance. Umiskor si Caleb Martin ng 14 points, Nagdagdag siTyler Herro ng 13 at tumapos si Bam Adebayo na may  12.Nakalikom si Gabe Vincent ng 10 points at 9 assists.

Sa iba pang laro ay pinadapa ng Cavaliers ang Pelicans, 93-90; kinatay ng Raptors ang Hawks, 106-100; nadominahan ng Knicks ang Kings, 116-96; pinatiklop ng Pacers ang Clippers, 122-116; at ginapi ng Thunder ang Trail Blazers, 98-81.