WARRIORS PINALAKAS ANG PLAYOFF BID

LUMAKAS ang tsansa ng Golden State Warriors para sa isang automatic playoff berth kasunod ng krusyal na road victory kontra Dallas Mavericks nitong Miyerkoles.

Tumapos si Steph Curry na may 20points para sa Warriors na naungusan ang Mavericks, 127-125, sa American Airlines Center sa Dallas.

Labing-apat na beses na nagpalitan ng kalamangan ang dalawang koponan, kung saan sa huli ay binigyan ni Curry ang Golden State ng 125-122 bentahe, may 8.5 segundo ang nalalabi, mula sa isang superb layup.

Isinalpak ni Kevon Looney ang pares ng free throws upang mapalobo ang kalamangan bago tinapyas ng three-pointer ni Reggie Bullock sa buzzer ang deficit sa dalawang puntos.

Si Curry, na nag-ambag ng 13 assists at 5 rebounds, ay isa sa anim na Warriors players na nagtala ng double figures.

Nanguna si Jonathan Kuminga sa scoring na may 22 mula sa bench, habang gumawa si Draymond Green ng isa pang malaking defensive display na may 3 steals at 4 blocks.

Pinangunahan ni Luka Doncic ang Dallas na may 30 points habang nagdagdag si rookie Jaden Hardy ng 27, kabilang ang anim na three-pointers.

Sa panalo ay umangat ang Golden State sa 38-36 para sa sixth place sa Western Conference at kumakatok sa automatic ticket sa postseason.

Grizzlies 130, Rockets 125

Pinabagsak ng Memphis Grizzlies ang Houston Rockets upang manatili sa second spot sa Western Conference.

Pinili ni Grizzlies coach Taylor Jenkins na gamitin si returning superstar Ja Morant mula sa bench.

Si Morant ay hindi naglaro magmula nang i-post niya ang kanyang video na ikinakaway ang isang handgun sa isang Colorado strip club noong March 4.

Kasunod nito ay pinatawan siya ng eight-game suspension ng liga dahil sa ‘conduct detrimental’ sa NBA.

Heat 127, Knicks 120

Kumana si Jimmy Butler ng 35 points at nagdagdag si Tyler Herro ng 22 points nang pataubin ng Heat ang New York.

Nanguna si R.J. Barrett para sa Knicks na may 26 points.