NAGBUHOS si Stephen Curry ng team-high 32 points at nalusutan ng Golden State Warriors ang isang timeout violation sa huling minuto upang maungusan ang Sacramento Kings, 126-125, at tumabla sa kanilang playoff series Linggo ng hapon sa San Francisco.
Ang Western Conference first-round series ay tabla sa 2-2, kung saan ang home team ay nanalo sa lahat ng apat na laro. Ang susunod na laro ay sa Miyerkoles ng gabi sa Sacramento.
Abante ang defending champs sa 126-121 at tangan ang bola, may 45 segundo ang nalalabi, subalit tumawag si Curry ng timeout gayong wala na ang koponan. Ipinasok ni Malik Monk ang technical free throw, at ipinasok ni Aaron Fox ang isang 3-pointer upang makalapit ang Kings sa 126-125. Nagmintis si Curry sa short jumper, subalit matapos ang timeout, sumablay si Harrison Barnes sa buzzer-beating 3-pointer.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 26 points para sa Warriors. Nanguna si Fox para sa Kings na may 38 points at 9 rebounds, nagtala si Keegan Murray ng 23 points, gumawa si Monk ng 16 at tumapos si Domantas Sabonis na may 14 points, 8 assists at 7 boards.
Timberwolves 114, Nuggets 108 (OT)
Umiskor si Anthony Edwards ng 34 points at tumabo si Nickeil Alexander-Walker ng 6 points sa overtime at nakaiwas ang Minnesota sa pagkakasibak nang gapiin ang Denver sa Minneapolis sa Game 4 ng kanilang first-round Western Conference playoff series.
Ang top-seeded Nuggets ay angat sa series sa 3-1 at muling sisikaping sibakin ang No. 8-seeded Timberwolves sa Martes ng gabi sa Denver. Nagdagdag si Mike Conley ng 19 points, habang kumubra si Karl-Anthony Towns ng 17 points at 11 rebounds bago na-foul out para sa Wolves. Tumirada si Nikola Jokic ng 43 points at 11 rebounds upang pangunahan ang Nuggets.
Gumawa si Jokic ng 4 points at nagbigay ng 1 assist upang tulungan ang Denver na kunin ang 102-101 lead sa overtime, subalit kumana si Alexander-Walker ng magkasunod na tres para sindihan ang 8-0 run na nagbigay sa Minnesota ng 109-102 kalamangan, may 1:29 ang nalalabi. Gumawa si Jamal Murray ng dalawang baskets at isa si Jokic upang makalapit ang Nuggets ng isang puntos, subalit isinalpak ni Edwards ang isang 3-pointer, may 11.5 segundo ang nalalabi para selyuhan ang panalo.
Knicks 102, Cavaliers 93
Nagpakawala si Jalen Brunson ng 29 points at nagdagdag si RJ Barrett ng 26 at dinispatsa ng host New York ang Cleveland sacGame 4 ng kanilang first-round Eastern Conference playoff series.
Kinuha ng New York ang 3-1 lead sa series, na babalik sa Cleveland sa Miyerkoles para sa Game 5. Nagtala si Brunson ng 11 of 22 shots at nagdagdag ng 6 rebounds at 6 assists, habang tumirada si Barrett ng 9-for-18 mula sa field. Nag-ambag si Josh Hart ng 19 points at 7 rebounds para sa Knicks, na na-outrebound ang Cavaliers, 47-33.
Tumapos si Darius Garland na may team-high 23 points at game-high 10 assists para sa Cleveland, na nagsalpak ng 36 of 77 (46.8 percent) shots overall, kabilang ang 6 of 23 (26.1 percent) mula sa arc. Nalimitahan si Donovan Mitchell sa 11 sa 5-for-18 shooting. Umiskor lamang siya ng 2 points sa second half.
Celtics 129, Hawks 121
Nagposte sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng tig-31 points upang pangunahan ang bisitang Boston sa panalo kontra Atlanta sa Game 4 ng kanilang first-round Eastern Conference playoff series.
Kumalawit si Tatum ng 7 rebounds, nagbigay ng 4 assists at nagtala ng 3 blocked shots. Naipasok ni Brown ang 12 sa kanyang 22 field-goal attempts, kabilang ang 3 of 4 mula sa arc.
Nanguna si Trae Young para sa Hawks na may 35 points at 15 assists. Si De’Andre Hunter ay 11 of 17 mula sa field at nagdagdag ng 27 points. Tumapos si Dejounte Murray na may 23 points, 9’ rebounds at 6 assists.