WARRIORS VS ROCKETS SA WC FINALS

LOS ANGELES – Sinindihan ni Stephen Curry ang third quarter surge upang ­pangunahan ang Golden State Warriors sa 113-104 panalo laban sa New Orleans Pelicans at umabante sa NBA Western Conference finals.

Tumapos si Curry na may 28 points at nakumpleto ng reigning NBA champions ang 4-1 series victory upang isaayos ang showdown sa top-seeded Houston Rockets.

Nagbuhos si Kevin Durant ng 24 points habang nagdagdag si Klay Thompson ng 23 points. Gumawa si Draymond Green ng 19 points, 14 rebounds at 9 assists.

Matikas na nakihamok ang New Orleans, napigilan ang sweep sa panalo sa Game 4 noong Linggo, sa first half kung saan naghabol lamang ito ng tatlong puntos, 59-56, sa break.

Subalit sa pangu­nguna ni Curry, nagpa­sabog ng mga puntos ang Warriors sa third period, na hindi natugunan ng Pelicans.

Sa pagsasanib-pu­wersa nina Klay Thompson, Kevin ­Durant at Curry, biglang lumobo ang kalamangan ng Golden State sa double digits.

Nag-init si Curry sa long range at nagsalpak ng dalawang three-pointers, kabilang ang isa na nagbigay sa Warriors ng 81-60 bentahe.

Makakasagupa ng Warriors ang Houston sa Game 1 ng Western Conference finals sa Lunes.

Rockets 112, Jazz, 102

Humataw si Chris Paul ng postseason career-high 41 points at nag-ambag si PJ Tucker ng 19 nang gapiin ng Houston Rockets ang Utah noong Martes sa Toyota Center upang  tapusin ang Western Conference semifinal series sa limang laro.

Humugot si Paul, umiskor ng 20 points sa fourth quarter, ng pitong  rebounds at 10 assists (walang turnovers) sa panalo.

Kumonekta siya ng 8 of 10 3-pointers at nakipagtambalan kay Tucker upang tuluyang igupo ang Jazz, sa pagkamada ng 13 sunod na puntos bago pinasahan si Tucker para sa corner 3 na nagpalobo sa kalamangan ng Houston sa 110-100, may  35 segundo ang nalalabi.

Tumapos si Tucker na may 5 of 7 sa 3-point area at tinulungan ang Rockets na malusutan ang malamyang laro nina MVP candidate James Harden, na tumipa ng 18 points sa 7-of-22 shooting, at Eric Gordon, na nagmintis ng anim saw along tira at gumawa lamang ng limang puntos.

Umusad ang Rockets sa Western Conference Finals sa unang pagkakataon sa apat na seasons.

Nanguna si rookie Donovan Mitchell para sa Utah na may 24 points subalit lumabas ng court dahil sa injury sa 7:09 mark ng fourth quarter at hindi na bumalik. Nagdagdag si Alec Burks  ng 22 mula sa bench habang kumabig si Royce O’Neale ng 17.

Ipinamalas ni Rudy Gobert  ang kanyang pinakamahusay na laro na may 12 points, 9 boards at 5 blocks.