(ni CS SALUD)
KUNG minsan ay kinatatamaran natin ang magtrabaho. Sa mga panahong nakadarama tayo ng stress at pagod, gusto na lang nating umayaw. Gusto na lang nating manatili sa bahay. O kaya naman, ang lumabas kasama ang mga kaibigan.
Ngunit sabihin mang may mga panahong kinatatamaran natin ang magtrabaho, hindi pa rin tamang balewalain natin ang gampanan ng maayos ang kung ano mang nakaatang sa atin.
Kung tatamad-tamad nga naman tayo, maaaring hindi natin maabot ang ating mga pangarap. O hindi gumanda ang ating career.
Importanteng pinipilit natin ang ating sariling gawin ng maayos ang trabaho natin kahit pa, tinatamad tayo. Narito ang ilang paraan na makatutulong upang magampanan ng maayos ang trabaho sa kabila ng maya’t mayang problema at pagsubok:
PAUNLARIN ANG COMMUNICATION SKILLS
Lahat naman tayo ay nag-aasam na magtagumpay sa buhay at sa karerang ating pinili.
May iba sa atin na hangga’t nagagawa nila ang kani-kanilang trabaho ay kontento na. Kung minsan ay hindi na sila naghahangad pang pagbutihin at pag-igihin ang kanilang trabaho.
Importante upang magampanan ng maayos ang trabaho ay kung pinagbubuti mo ang iyong ginagawa at dinaragdagan ang kakayahan.
At isa nga sa mga susi upang maging matagumpay ay kung mayroon kang kakayahang ibahagi ang mga ideya sa maayos at produktibong paraan.
Kumbaga, kaya mong ipaliwanag ang isang bagay na maiintindihan kaagad ng iyong mga tagapakinig.
Anumang wika, ang kakayahang ipahayag ng malinaw, tapat, at naayon ang mga ideya ay makatutulong ng malaki sa pag-angat ng kredibilidad.
Kaya naman, hasain ang kakayahan. At pag-ibayuhin pa ang kaalaman sa pakikipag-usap sa kapwa.
MAHALIN AT PAHALAGAHAN ANG TRABAHO
Importante rin na may pagmamahal tayo at pakialam sa ating trabaho. Mas nagagawa kasi natin ng maayos ang isang trabaho lalo na kung may pagmamahal tayo rito at pagpapahalaga.
Kaya naman, ano’t ano pa man ang trabahong mayroon ka ay mahalin ito at pahalagahan.
Tandaan, hindi madali ang makahanap ng trabaho sa panahon ngayon dahil kaliwa’t kanan ang kakompetensiya natin. At kung hindi natin mamahalin at pahahalagahan ang trabahong mayroon tayo, baka mamaya ay maglaho na lang itong parang bula.
WORK SMARTER
Marami sa atin ang nagagawa sa oras ang mga nakaatang na gawain. Ngunit hindi lang sapat na nagagawa nating gampanan ang mga trabahong nakapatong sa ating balikat kundi dapat ay nagagawa natin ito sa matalinong paraan.
Oo, napakarami nating kailangang tapusin ngunit isipin pa ring mabuti kung paano mas mapagaganda at mas mapapaayos pa ang mga gawain.
Maging creative rin.
MAGHINAY-HINAY LANG SA MGA GAWAIN
Kadalasan para nga naman matapos ang mga gawaing nakaatang sa atin, tuloy-tuloy tayo kung magtrabaho. Hindi tayo tumatayo hangga’t hindi natin natatapos ang lahat ng gawain. Sinasagad ang sarili sa pag-aakalang ito ang mas makabubuti.
Oo nga’t nais nating mapaunlad ang ating sarili at magampanan ng maayos ang trabaho, ngunit dapat pa rin nating isipin o tandaan na dumaraan sa proseso ang lahat ng bagay. Hindi ito basta-basta na nangyayari.
Kaya naman, importante ang pagsi-set ng goals na maaaring matapos sa inilaang oras o panahon.
Iwasang mag-overwork o ang pagsagad sa sarili para mapanatili ang positibong pananaw sa trabaho at magampanan ng maayos ang isang gawain.
IWASAN ANG MGA HINDI MAHAHALAGANG BAGAY
Sa oras din ng trabaho, iwasan din ang paggawa ng mga bagay na hindi naman mahalaga o hindi sakop ng trabaho.
Kadalasan kasi ay nadi-distract tayo halimbawa na lang sa kagagamit ng gadget o sa mga social media account. Kung hindi naman ito mahalaga at hindi kasama sa trabaho, iwasan na muna ang mga ito. Unahan ang mga bagay na mahalaga nang matapos kaagad ang iyong trabaho at nang magampanan ito ng maayos.
Maraming paraan upang matapos at magampanan natin ng maayos ang mga trabahong nakaatang sa atin. Ilan lamang ang tips na ibinahagi namin sa inyo na maaaring makatulong sa inyo. (photos mula sa abc.net.au at her.ie)
Comments are closed.