KAPWA walang talo. Parehong matibay at palaban.
Tuloy ang pag-akyat sa world ranking nina Olympian Charly Suarez at Carl Jammes Martin sa pakikipagtuos sa magkahiwalay na laban para sa bakanteng WBA Asia title ngayon sa Elorde Sports Complex sa Sucat, Paranaque.
Haharapin ni 33-year-old Suarez (9-0, 6 KOs), kumatawan sa bansa sa 2016 Rio Olympics, ang pambato ng Mindanao na si Tomjune Mangubat sa 12-round World Boxing Association (WBA) Asia superfeatherweight championship.
Target naman ni Martin, 22, tinaguriang ‘Igorot Wonderboy’, na masungkit ang WBA Asia superbantamweight strap kontra mas beteranong si Ronnie Baldonado ng Cotabato.
Ang naturang duelo ang co-main event sa 10-match boxing ‘Ultimate Knockout Challenge’ sa promosyon ng VSP Promotions ni Cucuy Elorde.
“This fight is crucial for me because this could pave the way for an international campaign soon. But first things first, my focus is Mangubat at the moment,” pahayag ni Suarez sa ginanap na weigh-in at media presentation kahapon.
Nakataya rin sa laban ni Martin (18-0, 15 KOs), kasalukuyang ranked 12th sa International Boxing Federation (IBF), ang kanyang Philippine 122-lb belt na napagwagian nitong Disyembre.
“My opponent is moving up in weight but it won’t make him a huge underdog because admittedly, he’s faced boxers who are way talented compared with my past foes,” sambit ni Martin.
Inaasahang maghahatid din ng saya at kapanabikan sa manonood ang pagdepensa ni Bienvenido Ligas sa kanyang Philippine flyweight title kontra challenger Roland Jay Biendima.
Sa unang pagkakataon, bukas na ang live audience sa Elorde Complex matapos isailalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa ‘Alert Level 1’ ang buong Metro Manila. EDWIN ROLLON