WBC CROWN IDEDEPENSA NI MAGSAYO VS VARGAS SA JULY 9

ITINAKDA ang unang title defense ni world featherweight champion Mark Magsayo laban kay undefeated Mexican Rey Vargas sa July 9.

Inanunsiyo na ng Premier Boxing Champions ang presale ng tickets para sa title bout na gaganapin sa Alamodome sa Texas.

Samantala, sinabi ng Showtime Boxing na ang fight ay itatampok bilang main event.

Nasungkit ni Magsayo ang WBC crown nang gapiin niya si Gary Russell Jr. via majority decision sa Atlantic City, New Jersey noong nakaraang Enero.

Inaasahang mapapalaban nang husto ang tubong Tagbilaran City, Bohol kontra Vargas, na dating  WBC super bantamweight champion.

Ang Mexican ay walang talo sa 35-0 na may 22 knockouts, habang tangan ni Magsayo ang record na 24 wins, kabilang ang 16 knockouts.