PINASIMULAN na ng lungsod ng Makati ang pamamahagi ng wellness kits para sa may 2,536 medical frontliners mula sa tatlong ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Mayor Abby Binay makakatangap ng wellness kits ang mga health worker at frontliner mula sa Makati Health Department (MDH), Ospital ng Makati (OsMak) at Incident Command Post (ICP).
Ani Binay, ang bawat wellness kit ay naglalaman ng grocery items, Isang juice bos na may kasamang reusable tumbler, isang dosenang donuts at food voucher na nagkakahalaga ng P500.
Sinabi nito, isang paraan ito upang maipadama ng lungsod ang pagpupugay at taos pusong pasasalamat sa lahat ng sakripisyo at kontribusyon ng medical frontliners sa epektibong pagtugon nito sa hamon ng pandemya.
At para masigurado ang kaligtasan sa pamamahagi ng wellness kits, isasagawa ang distribusyon sa bawat sa ahensiya ayon sa iskedyul na itinakda ng team leaders.
Simula ng mag-lockdown sa Metro Manila noong Marso, tiniyak ni Binay sa medical workers na patuloy silang su-suportahan ng lungsod sa pamamagitan ng mga inisyatibong makakatulong at makakabuti sa kanila.
Bukod sa pagbibigay ng sapat na personal protective equipment, hazard pay, libreng shuttle services, bitamina, flu at pneumonia vaccines at libreng mass testing para sa essential workers ay inaprubahan din ng lungsod ang pagtataas ng sahod ng mga nurses at pagkuha ng karagdagang medical workers sa Makati. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.