WEST AFRICAN TIKLO SA PEKENG CANADIAN VISA

fake visa

NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang West African dahil sa pagdadala ng pekeng Canadian Visa.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Amevi Gbansouvi, 31-anyos na nasakote ng mga tauhan ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) nitong Martes sa NAIA Terminal 2 makaraang iprisinta nito ang pekeng Electronic Travel Authorization (ETA) sa mga on duty na Immigration Officer bago ang flight papuntang Canada.

Nabatid ng pamunuan ng Immigration na ginamit ng suspek ang Manila bilang jump off point para makapasok siya sa bansang Canada gamit ang mga pekeng papeles o dokumento.

Ayon kay Benlando Guevara, hepe ng TCEU na dumating sa bansa si Gbansouvi bilang isang transit passengers via Philippine Airlines flight mula Guangzhou, China.

Dagdag pa ni Guevara, nakarating sa kanilang kaalaman mula sa isang Officer John Peter Chua ng China na peke ang ETA ni Gbansouvi kung kaya’t hindi maaring makapasok ito sa Canada.

Sa ngayon, nakakulong ang suspek sa BI detention facility in Camp Bagong Diwa, Taguig para sa deportasyon dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act. FROILAN MORALLOS