MAGIGING sentro ng talakayan sa virtual Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes, Peb. 1, ang kampanya ng bansa sa nalalapit na Winter Olympics sa Beijing at ang makasaysayang panalo na nagbigay sa Philippine women’s football team ng kauna-unang ticket sa FIFA World Cup.
Tatalakayin nina Chef De Mission Bones Floro at Philippine Ski and Snow Board Federation president Jim Apelar ang kampanya ng bansa sa Winter Games kung saan si skier Asa Miller ang nag-iisang kinatawan ng bansa.
Ang 21-year-old Fil-Am ay sasabak sa slalom at giant slalom sa kanyang ikalawang sunod na Olympic stint.
Ang ikalawang bahagi ng two-part session na magsisimula sa alas-10 ng umaga ay tatampukan nina Philippine Football Federation president Mariano ‘Nonong’ Araneta at secretary general Ed Gastanes, na tatalakayin ang epekto ng pag-usad ng women’s team sa 2023 World Cup na co-hosted ng Australia at New Zealand.
Ginulantang ng Filipina booters ang Chinese Taipei sa penalty shootout, 4-3, Lunes ng umaga upang makaabante sa semifinals ng AFC Asian Cup sa India at makopo ang makasaysayang puwesto sa World Cup.
Ang weekly Forum ay itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Unilever, the Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at social media at webcast partner Prime Edge.
Ang public sports program ay naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at opisyal na isini-share ng Radyo Pilipinas 2 sa Facebook page nito.