NAIS ni PBA board chairman Ricky Vargas na buuin ng pro stars ang Philippine team na sasabak sa Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre.
“Of course, we want the best to represent our country in the SEA Games that we’re hosting,” pahayag ni Vargas, presidente rin ng Philippine Olympic Committee (POC), sa official launch ng PBA Season 44 sa Conrad Hotel sa Pasay City kamakalawa.
“We want the best representation from Philippine basketball. At siyempre, ayaw nating masilat in front of our kababayans,” sabi pa ni Vargas.
Nauna nang sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na magpapahinga muna ang PBA sa buong durasyon ng 30th SEAG mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 upang magbigay-daan sa biennial meet na iho-host ng bansa sa ikaapat na pagkakataon.
Wala namang nakikitang negatibong pagtugon si Marcial mula sa board sa sandaling opisyal na hilingin ng league chair sa mga PBA player na katawanin ang bansa sa biennial meet.
Ayon kay Vargas, nagsisilbing PBA chair sa ikalawang sunod na season, bahagi ng programa ng liga ang makatulong sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Ang PBA ay miyembro ng national cage federation na pinamumunuan ni Meralco executive Al Panlilio bilang presidente.
Ang PBA ay magbe-break sa ikatlong linggo ng Pebrero upang bigyang-daan ang huling dalawang laro ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup qualifier.
Sinabi pa ni Marcial na wala munang laro sa PBA kapag nakapasok ang Team Phl sa 2019 World Cup sa China.