WIZARDS ‘DI UMUBRA SA BUCKS; CELTICS SILAT SA THUNDER

ANTETOKOUNMPO

NAGBUHOS si Giannis Antetokounmpo ng career-high 55 points upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa revenge victory kontra Washington, 123-113, nitong Martes.

Nagdagdag si Greek star forward Antetokounmpo, hindi nakapaglaro sa 118-95 loss noong Linggo sa Washington dahil sa knee soreness, ng 10 rebounds at 7 assists sa panalo.

Naiposte ni Antetokounmpo, nagtala ng 20-of-33 mula sa floor at 15 of 16 free throws, ang 12 sunod na puntos ng Bucks upang pigilan ang tangkang paghahabol ng Washington.”

I’m just trying to make good decisions, try to be aggressive throughout the whole game and at the end of the day, we try to win games,” sabi ni Antetokounmpo.

“We’re playing good basketball. We defended really well. And I’m just trying to do whatever I can for the team to get a W.”

Si Antetokounmpo ay naging ika-4 na player pa lamang sa kasaysayan ng NBA na may tatlong sunod na laro na may hindi bababa sa 40 points, 10 rebounds at 5 assists, at sinamahan sina Russell Westbrook, Elgin Baylor at Wilt Chamberlain.

Nagdagdag si Milwaukee’s Brook Lopez ng 21 points at 12 rebounds habang nakalikom si reserve Bobby Portis ng 17 points at 13 rebounds para sa Bucks, ilan sa kanila ay binuhusan ng tubig si Antetokounmpo matapos ang laro bilang selebrasyon.

“This is what basketball is about,” ani Antetokounmpo. “This is what winning is about. We have a great team. We play together. We do it on the floor together. That’s what Milwaukee is about and I’m glad to be on a team like that.”

Umiskor si Latvian Kristaps Porzingis ng 22 points upang pangunahan ang bisitang Wizards, na naputol ang five-game win streak.

Sa Oklahoma City, kumana si Josh Giddey ng 25 points at nagdagdag si Canadian backcourt partner Luguentz Dort ng 23 points upang pangunahan ang host Thunder sa 150-117 panalo laban sa Boston.

Nag-ambag sina Jalen Williams at reserves Tre Mann at Isaiah Joe ng tig- 21 points para sa Thunder (16-21), na na-outscore ang Boston sa bawat quarter.

Nahulog ang Celtics sa 26-12, natapyas ang kanilang lead sa Eastern Conference sa kalahating laro kontra Brooklyn (25-12) at 1.5 games laban sa Milwaukee (24-13).

Nagbida si Jaylen Brown para sa Boston na may 29 points at kumubra si Jayson Tatum ng 27 para sa Celtics.

Sa iba pang laro, ipinasok ni Sacramento’s De’Aaron Fox ang driving layup, wala nang isang segundo ang nalalabi, na nagbigay sa Sacramento Kings ng 117-115 panalo sa Utah.

Tumapos si Fox na may game-high 37 points, kabilang ang kanyang career-best fourth quarter na may 20 points, at nagsalansan si Domantas Sabonis ng 21 points, 14 rebounds at 8 assists para sa Kings.