WIZARDS ‘DI UMUBRA SA HEAT

Wizard vs Heat

NAGBUHOS si Tyler Herro ng season at game-high 31 points at kumalawit ng 9 rebounds upang pangunahan ang Miami Heat sa 128-124 panalo laban sa host Washington Wizards noong Sabado.

Nagposte si Jimmy Butler ng 26 points, 10 rebounds at 9 assists, habang nagdagdag sina Goran Dragic ng 21 points at 5 assists at  Kelly Olynyk ng 18 points, 6 rebounds at 5 assists.

Tinalo ng Heat ang Wizards sa ika-7 pagkakataon sa nakalipas na siyam na pagtatagpo magmula pa noong 2018 season.

Ang Washington ay pinangunahan nina Garrison Mathews at Deni Avdija, na umiskor ng 22 at 20 points, ayon sa pagkakasunod. Gumawa si Rui Hachimura ng 17 points, habang nag-ambag sina Robin Lopez at Moritz Wagner ng tig-13 points

MAVERICKS 112,

MAGIC 98

Kumana si Tim Hardaway Jr. ng season-best 36 points at nagdagdag si Trey Burke ng season-high 29 upang pangunahan ang Dallas Mavericks sa panalo kontra bisitang Orlando Magic.

Naipasok ni Hardaway ang walo sa 13 3-point attempts at kinapos ng isa sa kanyang career high, habang si Burke ay  7 of 8 mula sa long range at tumapos na kulang ng isa sa kanyang career best.

Sa kabuuan, ang  Dallas ay 20 of 40 mula sa 3-point range.

Nagtala si Luka Doncic ng 20 points, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikalawang triple-double para sa Dallas na nanalo ng tatlong sunod. Nagdagdag si James Johnson ng 12 points at ginapi ng Mavericks ang Magic sa ika-14 na pagkakataon sa nakalipas na 18 pagtatagpo.

Nakalikom si Nikola Vucevic ng 30 points at 15 rebounds para sa kanyang ika-7 double-double sa season para sa Orlando, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan. Tumipa sina Aaron Gordon ng 16 points, Khem Birch ng 12 at Terrence Ross ng 11.

SPURS 125,

TIMBERWOLVES 122

Kumamada si DeMar DeRozan ng season-high 38 points at nagdagdag si Dejounte Murray ng 22 points at 14 rebounds nang dispatsahin ng San Antonio Spurs ang Minnesota Timberwolves sa overtime.

Gumawa si Patty Mills ng 21 points para sa Spurs na nasundan ang magkasunod na panalo sa Los Angeles kontra Clippers at Lakers.

Naisalpak ni Murray ang isang 3-pointer upang simulan ang scoring sa extra period at hindi na lumingon pa ang Spurs sa huling limang minuto.

Nakakolekta si Malik Beasley ng 29 points at nag-ambah si  Karl-Anthony Towns ng  25 points at 13 rebounds sa kanyang pagbabalik matapos na ma-dislocate ang kanyang left wrist noong Dec. 27 sa Utah.

BUCKS 100,

CAVALIERS 90

Tumabo si Khris Middleton ng 27 points, nagdagdag si Bobby Portis ng 17 points at 11 rebounds, at hiniya ng Giannis Antetokounmpo-less Milwaukee Bucks ang bisitang Cleveland Cavaliers.

Si Antetokounmpo, ang two-time reigning NBA Most Valuable Player, ay pre-game scratch dahil sa back spasms, isang gabi makaraan ang masamang pagbagsak sa pagkatalo ng Bucks sa Utah Jazz.

Naging matikas ang Milwaukee sa kabila ng pagkawala ng kanilang star kung saan nalimitahan nila ang Cleveland sa 14 points lamang sa first quarter.

SUNS 125,

PACERS 117

Nagpasabog si Mikal Bridges ng 34 points at nagdagdag si Devin Booker ng 25 upang bitbitin ang Phoenix Suns sa panalo laban sa Indiana Pacers sa Indianapolis.

Naipasok ni Bridges, tumipa ng 15 points sa first quarter, ang 12 sa 18 shots mula sa  field at  6 of 8 mula sa 3-point range.

Naisalpak ni Cameron Johnson ang apat na tira mula sa 3-point area para tampukan ang kanyang 16-point performance para sa Suns, na naiposte ang kanilang unang panalo sa Bankers Life Fieldhouse magmula noong Nov. 18, 2016.

Sa iba pang laro ay pinataob ng Charlotte Hornets ang Atlanta Hawks, 113-105, at ginapi ng Denver Nuggets ang Philadelphia 76ers, 115-103.

Comments are closed.