NAGBUHOS si Zach LaVine ng game-high 27 points upang pangunahan ang Chicago Bulls sa paghila sa kanilang winning streak sa siyam na laro sa pamamagitan ng 130-122 panalo kontra bisitang Washington Wizards.
Umiskor si Coby White mula sa bench ng 21, habang nagdagdag sina Lonzo Ball at Ayo Dosunmu ng tig-18 points. Nagsalansan si Nikola Vucevic ng 16 points, 14 rebounds at 7 assists, at nag-ambag si DeMar DeRozan ng 15 points at 8 assists.
Ang lahat ng limang starters ay umiskor ng double figures para sa Washington, sa pangunguna ni Bradley Beal na may 26 points. Nagdagdag si Kyle Kuzma ng 21-point, 11-rebound double-double, habang kumubra si Spencer Dinwiddie ng 18 points. Tumipa sina Kentavious Caldwell-Pope at Daniel Gafford ng tig-14 points.
LAKERS 134, HAWKS 118
Tumirada si LeBron James ng 32 points at 9 assists at nagdagdag si Malik Monk ng season-high 29 points nang palawigin ng Los Angeles ang kanilang winning streak sa apat na laro sa pamamagitan ng panalo kontra bisitang Atlanta.
Kumabig sina Avery Bradley at Talen Horton-Tucker ng tig-21 points para sa Lakers, na nanalo ng lima sa kanilang huling anim na laro kasunod ng five-game losing streak na naitala makaraang mawala si Anthony Davis ng isang buwan dahil sa knee injury.
Kumana si Trae Young ng 25 points, 14 assists at 9 rebounds para sa Hawks na bumagsak sa 2-3 sa six-game road trip na magwawakas sa Linggo sa Los Angeles kontra Clippers. Ito ang ika-17 sunod na laro ni Young na gumawa siya ng 25 o higit pang puntos para burahin ang franchise record ni Dominique Wilkins.
76ERS 119, SPURS 100
Nakalikom si Joel Embiid ng 31 points, 12 rebounds at 7 assists upang bitbitin ang host Philadelphia sa panalo laban sa kulang sa taong San Antonio.
Nagtala si Embiid ng hindi bababa sa 30 points sa ika-6 na sunod na laro. Nag-ambag sina Seth Curry at Tobias Harris ng tig-23 points para sa Sixers, na napantayan ang season best sa kanilang ika-6 na sunod na panalo.
Naglaro ang Spurs na wala sina Keldon Johnson, Derrick White, Doug McDermott, Thaddeus Young, Devin Vassell at Tre Jones sa health and safety protocol.
Nanguna si Dejounte Murray para sa Spurs na may 27 points at 9 assists. Nagdagdag si Jakob Poeltl ng 17 points at gumawa si Lonnie Walker IV ng 13 para sa San Antonio, na natalo ng lima sa kanilang huling anim na laro.
BUCKS 121, NETS 109
Tumabo si Giannis Antetokounmpo ng 31 points, 9 assists at 7 rebounds nang kumarera ang Milwaukee sa wire-to-wire victory laban sa inaalat na Brooklyn sa New York.
Nagbalik si Antetokounmpo mula sa pagliban sa pagkatalo noong Miyerkoles sa Toronto dahil sa karamdaman at tinulungan ang Milwaukee na magwagi sa ika-7 pagkakataon sa siyam na laro.
Naitala ni Bobby Portis ang 20 sa kanyang 25 points sa first half. Naiposte naman ni Khris Middleton ang 15 sa kanyang 20 sa third quarter nang maitarak ng Bucks ang 24-point lead.
Tumapos si Kevin Durant na may 29 points, 9 rebounds at 7 assists, subalit hindi ito sapat upang maisalba ang Nets sa paglasap ng kanilang ika-5 sunod na kabiguan sa home at ika-4 sa limang laro.
Nagdagdag si James Harden ng 16 points, 9 rebounds at 7 assists.
Sa iba pang laro, sinakmal ng Timberwolves ang Thunder, 135-105; pinayuko ng Nuggets ang Kings, 121-111; pinabagsak ng Mavericks ang Rockets, 130-106; giniba ng Raptors ang Jazz, 122-108; at pinataob ng Cavaliers ang Trail Blazers 114-101.