WOLVES NILAPA ANG JAZZ

Derrick Rose

NAGPASABOG si Derrick Rose ng career-high 50 points nang igupo ng Minnesota Timberwolves ang Utah Jazz, 128-125, noong Miyerkoles ng gabi.

Napaluha si Rose matapos ang laro nang haranahin siya ng chants ng “MVP! MVP!” mula sa home crowd habang naglalakad palabas ng court.

Tumipa siya ng 34 points sa second half at 15 sa dikdikang fourth quarter kung saan nalimitahan ng Wolves ang Jazz. Ang kanyang  basket sa huling 30 segundo ang nagbigay sa Minnesota ng kalamangan, at naipasok niya ang dalawang free throws, may 13.8 segundo ang nalalabi, upang mapa­ngalagaan ang tatlong puntos na kalamangan.

Nagmintis si Rudy Gobert sa tying attempt sa final minute para sa  Utah, at kinuha ng Timberwolves ang rebound upang masiguro na hindi masasayang ang pagod ni Rose.

Umiskor si Rose ng 19 points sa third quarter nang kunin ng Timberwolves ang five-point lead papasok sa fourth.  Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 9 sa kanyang 28 points sa period.

Umiskor si Donovan Mitchell ng 26 points, at nagdagdag si Gobert ng  22 para sa Utah.

PACERS 107, KNICKS 101

Napantayan ni Domantas Sabonis ang kanyang career high 30 points, naitala ni Victor Oladipo ang 11 sa kanyang 24 points sa fourth quarter at ginapi ng Indiana ang New York.

Naghabol ang Indiana sa 97-94, may 3:08 ang nalalabi, bago nag-init si Oladipo. Naisalpak ni Sabonis ang dalawang free throws, at pagkatapos ay naagaw ni  Oladipo ang bola kay Tim Hardaway, Jr. at bumanat ng breakaway dunk para sa 98-97 kalama­ngan.

Naitala ng Indiana ang sumunod na limang puntos, tampok ang 3-pointer ni Oladipo, may 1:23 ang nalalabi, upang ilagay ang talaan sa 103-97.

Nanguna si Hardaway para sa Knicks na may 37 points, at gumawa si  Noah Vonleh ng 14 points at 10 rebounds. Nalasap ng New York ang ika-6 na talo makaraang manalo sa opening night.

NETS 120, PISTONS 119, OT

 Naibuslo ni Spencer Dinwiddie ang isang 3-pointer, may 7.1 segundo ang nalalabi sa overtime at tumapos na may 25 points upang tulungan ang  Brooklyn na pataubin ang Detroit.

Nagdagdag si Joe Harris ng 23 points, tumipa si Caris LeVert at Jarrett Allen ng tig-19, at tumapos si Jared Dudley na may 11. Pinutol ng Nets ang three-game losing streak upang umangat sa 3-5.

Nanguna si Blake Griffin sa Detroit na may 25 points, tumabo si  Andre Drummond ng 24 points at 23 rebounds, at umiskor sii Reggie Jackson ng 21 points.

Nalasap ng Pistons ang ikalawang sunod na kabiguan upang bumagsak sa 4-3.

NUGGETS 108, BULLS 107, OT

 Isang putback ni Paul Millsap, may 0.1 segundo ang nalalabi sa Overtime, ang nag-angat sa Denver laban sa Chicago.

Nag-inbound ang Denver, may 3.5 segundo ang nalalabi. Nagmintis si Nikola Jokic subalit nakuha ni Millsap ang rebound at umiskor ng layup. Umangat ang Nuggets sa 6-1.

Nagsalansan si Jokic ng 22 points at 12 rebounds, habang gumawa si. Zach LaVine ng 28 points para sa Chicago, at nagdagdag si Wendell Carter Jr. ng  career-high 25.

Comments are closed.