MARSO na, kaya Women’s Month na!
Nakikiisa ang “Pusong Panalo” sa mga kaganapan para sa kababaihan ngayong buwang ito. Ang selebrasyon para sa taong 2024 ay may temang, “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas; Kakayahan ng Kababaihan, patutunayan!” Pinangungunahan ng Philippine Commission on Women ang mga pambansang inisyatiba sa ilalim ng Women’s Month celebration sa bansa.
Layon ng ilang mga aktibidad na mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga kababaihan at hindi maging biktima ng gender bias o diskriminasyon. Bukod pa rito, ang mga kagananap ay magpapakita rin ng kakayahan ng mga kababaihan at masuportahan sila upang marating ang ganap na potensyal, lalo na sa usapin ng pakikiisa sa pagtataguyod ng ating bansa.
Isa sa mga ganap ngayong buwan ay ang diskusyon kasama ang batikang manunulat na si Bebang Siy. Gaganapin ito sa Good Intentions Books HQ, Comuna Bldg., Makati City sa ika-10 ng Marso sa ganap na alas-4 n.h. Pag-uusapan ng mga panauhin at ng awtor ang aklat ng huli na “It’s a Mens World”. Kung interesadong sumali sa event na ito at makiisa sa diskusyon, mangyaring mag-register sa pamamagitan ng link na matatagpuan sa FB page ng Good Intentions Books.
Sa ika-2 naman ng buwan, bukas, ay magkakaroon ng art exhibit opening ang show na GRRRL PWR! sa Kanto & Pantas Gallery sa 2F Makati Cinema Square sa ganap na alas-6 n.g. Isa itong all-women art exhibit na bukas hanggang sa ika-5 ng Abril. Sa opening night ay mayroong latagan (merchandise for sale), performances, at mga games. Imbitado ang publiko.