SUBIC, Zambales – Isang insidente sa shipyard site na nagresulta sa pagkasugat ng tatlong manggagawa at pagkamatay ng isa ang nagtulak sa Department of Labor and Employment (DOLE) na maglabas ng Work Stoppage Order (WSO) sa Binictican I-Tech Corporation, isang subcontractor ng Hanjin Heavy Industries Corporation Philippines (HHIC Phils).
Ang WSO ay inisyu batay sa resulta ng Accident Investigation sa naganap na pangyayari sa worksite ng Hanjin shipyard, nito lamang nakaraang weekend.
Agad na iniulat ni DOLE-3 Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang nangyaring insidente na nagresulta sa pagkamatay ng isang manggagawa habang sugatan naman ang tatlong iba pa.
“Noong Mayo 12, bandang alas-3:30 ng hapon, apat na manggagawa ang nahulog sa scaffolding. Bago pa ito, mayroon pang siyam na manggagawa ang nasa scaffolding at nakalilim sa isang blue canvass upang hindi sila masyadong mainitan sa sikat ng araw habang nagpapahinga,” ayon kay RD Campita.
Pawang residente ng mga bayan sa Zambales ang mga nasugatang manggagawa na sina Gerry Bayuta, Johnny Alegre, at Vailian Dela Cruz. Agad silang dinala sa pinakamalapit na ospital upang bigyan ng lunas.
Matapos ang dalawang araw na pamamalagi sa ospital ay binawian din ng buhay ang nag-iisang biktima na kinilalang si Ferdinand Leuterio bunsod ng internal injury.
Ang Technical Safety Inspectors (TSIs) na sina Angelito Longos, James Ramos, at Arvin Fabian ang nagsagawa ng imbestigasyon sa lugar na pinangyarihan ng insidente sa Dockhead 6 P166-A02C sa loob ng Hanjin shipyard.
Iniulat ng mga TSI kay RD Campita na ang pinagsamang bigat ng mga manggagawa, raw materials at iba pang kagamitan ang hinihinalang pinag-ugatan ng pagtagilid at pagbagsak ng scaffolding.
Kasabay ng nasabing imbestigasyon, inabisuhan din ng mga supervisor ang TSI na dalawang manggagawa na lamang ang pinahihintulutang magtrabaho sa naturang lugar.
Napansin din ng investigating team na ang mga turnilyo para sa bracket ng scaffolding ay sira o hindi maayos ang pagkakakabit.
Sinabi ni RD Campita na ang overall finding ng imbestigasyon ay nagpapatunay na ang subcontractor ay nabigong magpatupad at mag-monitor ng safety procedures.
“Maliwanag na hindi ligtas ang lugar na pinagtatrabahuhan nila dahil sobrang dami rin ng mga manggagawa maging ang kanilang mga kagamitan sa scaffolding na nagresulta sa pagbagsak nito. Liban pa rito, may mga kakulangan din sa kaligtasan ang napag-alaman dahil hindi gumagamit ng mga safety harness ang mga manggagawa, maging ang mga supervisor ay bigo ring magpatupad sa kanila ng mga panuntunan para sa kaligtasan,” wika ni RD Campita.
Ang WSO ay patuloy na ipatutupad hangga’t hindi nakakasunod ang Binictican I-Tech sa occupational safety and health standards at magsumite ng mga kinakailangang employer accident-illness report, accident illness report na mayroong litrato ng insidente, medical report/abstract/certificate ng mga biktima, at patunay na nagbigay ang kompanya ng tulong pinansiyal sa mga pamilya ng biktima at sa iba pang sugatang manggagawa.
Kinakailangan din silang magsumite ng patunay ng remittance sa SSS, PhilHealth, at PagIBIG coverage, patunay ng pagbabayad ng suweldo sa mga biktima habang sila ay nagpapagaling, Employees’ Safety Orientations (HSE Education Report), revised work procedure para sa ibang lugar ng operasyon, at employment record para sa ECC claims/SSS Death claim ng pamilya ni Ferdinand Leuterio.
Nakatakda ng sumailalim sa conference sa DOLE ang subcontractor habang una na rin silang nagpaabot ng tulong pinansiyal sa mga biktima at tiniyak ang kanilang buong pakikipagtulungan sa mga ito. PAUL ROLDAN
Comments are closed.