WORKERS FUND PARA SA OFWs SA QATAR

ofw-2

MAYNILA – MAKAAASA ang mga manggagawang Filipino sa Qatar ng mas maayos at ligtas na working condition matapos aprubahan ng gobyernong Qatar ang bagong batas na nagtatakda ng pondo para sa mga manggagawa.

Ito ang pahayag ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III matapos matanggap ang ulat mula kay DOLE International Labor Affairs Bureau (ILAB) Director Alice Q. Visperas na nagpalabas ang pinakamataas na opisyal ng Qatar na si Amir HH Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani na nagtatakda ng suporta sa mga manggagawa at paglalaan ng insurance fund.

Ang bagong batas, ay maglalaan ng pondo na pinangalanang “Worker’s Support and Insu­rance Fund,” na naglalayong tiyakin na mapa­ngangalagaan ang manggagawa na parehong nasa pribadong sektor at kasambahay sa Qatar, titiyak sa kanilang karapatan, at pagbibigay ng malusog at ligtas na lugar-paggawa.

Nakasaad sa batas na ang pondo ay gagamitin na pambayad sa mga benepisyo ng ­manggagawa ayon sa pagpapasiya ng dispute resolution committee; pangangasiwa sa pag-uwi ng ­manggagawa sa kaniyang sariling bansa; pambayad sa benepisyong-pinansiyal sa pagtatapos ng kanilang service contract; at pagbibigay ng maayos na matutuluyan at iba pang panga­ngailangan.

Batay sa January to June 2018 Report to Congress ng DOLE, nasa 230,000 ang Pinoy sa Qatar. PAUL ROLDAN

Comments are closed.