LIMANG buwan matapos na manalo sa Asian Athletics na ginawa sa Qatar, muling babalik si Tokyo Olympics-bound Ernest John Obiena sa tiny oil-rich kingdom sa Middle East para sumabak sa World Athletics Championships na natakda sa Setyembre 28-Oktubre 8.
Ayon sa ina ni Obiena na si Jeannette Obiena, mapapalaban ang Pinoy sa mga pole vaulter mula sa mahigit 50 bansa at determinadong duplikahin ang kanyang panalo sa Ciarra, Italy kung saan nakakuha siya ng puwesto sa 2020 Tokyo Olympics.
Sa masusing gabay ni Ukraine coach Petrov, katuwang ang kanyang ama na si dating SEA Games at World Masters pole vault medalist Emerson Obiena, makikipagsabayan ang 23-anyos na si Obiena sa mga kalaban upang muling mag-uwi ng karangalan sa bansa.
Ayon kay Jeannette, mas mabigat ang nasabing torneo dahil world-class ang naturang kumpetisyon.
“The tournament is much tougher than the competition held in Italy. EJ has to play superior and utilize all his knowledge in pole vault to win and duplicate the feat in Italy,” aniya.
Target ni Obiena na higitan ang 5.81 meters na kanyang naitala sa Italy at umaasa ang kanyang ina na magagawa niya ito dahil nasa peak ang reigning Asian Athletics, SEA Games champion at Thailand Open Athletics champion.
Ang torneo ay huling overseas stint ni Obiena bago ang SEA Games kung saan itataya niya ang kanyang korona na naagaw niya kay Puranot Purahong ng Thailand sa Malaysia.
Si Obiena ang unang Pinoy na nagkuwalipika sa Tokyo Olympics at pangalawang Pinoy pole vaulter na sasabak sa Olympics matapos ni Edward Lasquete noong 1992 Barcelona Olympics.
Priority athlete siya ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. CLYDE MARIANO