WORLD-CLASS PINOY ATHLETES PARARANGALAN NG PSA

ANIM na world-class boxers, kabilang ang tatlo na nagwagi ng medalya sa Tokyo Olympics, ang pararangalan sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa  March 14 sa Diamond Hotel.

Pinangungunahan nina Carlo Paalam, Nesthy Petecio, Eumir Marcial, at Nonito Donaire Jr. ang listahan ng gagawaran ng Major Awards ng  sportswriting fraternity ng bansa sa special event na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at Cignal TV.

Ang quartet ay sasamahan ng iba pang Pinoy na kampeon sa kani-kanilang larangan, kabilang sina pole vaulter EJ Obiena, netter Alex Eala, at ng dalawang boxing title holders na sina Johnriel Casimero at Jerwin Ancajas.

Sina Paalam at Petecio ay nagwagi ng silver habang si Marcial ay nanalo ng bronze sa Tokyo Games upang tampukan ang pinakamatagumpay na kampanya Philippine boxing team sa quadrennial meet.

Ipinakita naman ni Donaire na hindi pa siya tapos sa ibabaw ng ring makaraang agawin ang WBC bantamweight title kay Nordine Oubaali sa fourth round stoppage sa Carson, California noong Mayo 2021 upang maging pinakamatandang kampeon sa 118-pound division sa edad na 40. Napanatili niya ang kanyang korona sa likod ng kaparehong fourth round KO kay compatriot Reymart Gaballo.

Pinangungunahan ni Filipino golden girl Hidilyn Diaz ang 2021 honorees bilang recipient ng prestihiyosong Athlete of the Year award na ipagkakaloob ng pinakamatandang media organization sa bansa sa gala night na suportado rin ng MILO, Philippine Basketball Association (PBA), 1Pacman, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, Smart, Philracom, at ng  MVP Sports Foundation.

Makalipas ang dalawang taon, ang Awards Night ay muling idaraos nang face-to-face bagama’t ang mga dadalo ay lilimitahan sa 50 percent capacity bilang pagtalima sa safe and healthy protocols ng pamahalaan, ayon kay PSA president Rey C. Lachica, sports editor ng Tempo.

Ang iba pang awardees na nauna nang pinangalanan ay kinabibilangan nina champion golfer Yuka Saso at world titlist Carlos Yulo ng gymnastics (President’s Award), POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino (Executive of the Year), at ang legendary pair nina Robert Jaworski Sr. at Ramon Fernandez (Lifetime Achievement Award).

Ihahayag sa mga susunod na araw ang tatanggap ng National Sports Association (NSA) of the Year, Manok Ng Bayan award, citations, at special Excellence in Leadership Award.