ISANG world-class action ang ihahatid ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pagho-host ng bansa sa 2022 FIVB Volleyball Nations League’s (VNL) men at women pool matches sa Araneta Coliseum.
Ang Week 2 ng preliminary round ng top-level women ng Volleyball World action ay lalaruin sa June 14-19. Matapos ang isang araw na break, ang Week 2 ng men’s pool matches ay gaganapin mula June 21 hanggang 26.
Ang tickets sa mga laro ay mabibili simula April 18 kung saan umaasa ang Araneta Coliseum na dadagsa ang fans sa gitna ng pinaluwag na health and safety protocols.
Pinasalamatan ng PNVF ang FIVB sa pagkakaloob sa Pilipinas ng oportunidad na maging host ng VNL sa unang pagkakataon magmula nang simulan ito noong 2018.
“We anticipate the return of world-class volleyball action in the country and we’re confident that with pandemic waning, the fans will enjoy the matches,” wika ni PNVF President Ramon ‘Tats’ Suzara.
Ang tickets sa mga laro ay nagkakahalaga ng P2,000 para sa Courtside seats, P1,500 sa Patron A, P1,000 sa Patron B, P500 sa Lower Box, P200 sa Upper Box at P100 para sa General Admission.
Pangungunahan ng three-time VNL champion at Tokyo Olympics gold medalist United States ang women’s pool na kinabibilangan ng reigning Asian champion Japan, Southeast Asian queen Thailand, China, Poland, Belarus at Canada.
Ang men’s side ay pangungunahan naman ng Tokyo Olympics gold medalist France at hahamunin ng fan favorite Japan, Slovenia, Argentina, Italy, Germany at The Netherlands.
Ang Russia ay lalaro sana sa parehong genders subalit dahil sa Ukraine crisis ay papalitan ito ng ibang koponan na ihahayag sa mga susunod na araw.
Ang Philippine VNL leg ay isang magandang pagkakataon din para mapanood ng fans ang pinakamalalaking pangalan sa sport tulad nina Tokyo Olympics women’s MVP Jordan Larson, two-time VNL MVP Michelle Bartsch-Hackley at 2019 VNL MVP Andrea Drews ng US.
Ang Japanese power trio nina Yuki Ishikawa, Yuji Nishida at Ran Takahashi, gayundin si Tokyo Games men’s MVP Earvin Ngapeth ng France ay kabilang sa mga player na tututukan sa men’s side.