WORLD-TITLE BOUT NG PINOY BOXER KANSELADO

Jayson Mama

HINDI na matutuloy ang laban ni Pinoy boxer Jayson Mama para sa IBF world flyweight title makaraang ianunsiyo ng mga organizer na kanselado ang bakbakan.

Nakatakda sanang makasagupa ni Mama, 23, si South African fighter Moruti Mthalane sa Olive Convention Centre sa Durban sa Linggo, Disyembre 20.

Ayon sa Boxing South Africa, hindi tumupad ang Tono Promotions sa basic requirements para bigyan ng BSA ng basbas ang laban, dahilan para mapilitan ang national governing body ng sport na kanselahin ang event.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang BSA, na ipinalabas ang statement sa Facebook noong Huwebes ng gabi.

Nalaman ni Mama at ng kanyang kampo ang kanselasyon ng laban sa kanilang pagdating sa South Africa noong Biyernes.

Si Mama ay may record na 15-0 at dehado kontra Mthalane (39-2), 38, ang reigning world flyweight title holder na mas matanda ng 15 taon sa Filipino challenger.

Comments are closed.