WRESTLING TAMPOK SA PSC ‘RISE UP, SHAPE UP’

PSC

PAPAGITNA ang wrestling sa webisode ng ‘Rise Up, Shape Up’ ng Philippine Sports Commission (PSC) ngayong Sabado.

Itatampok ng weekly web series si Jonathan Arias at ang kanyang sports program na “Teach Me Wrestling” na nagwagi ng “Proyektong Isport Pangkababaihan” award sa 2021 PSC Gintong Gawad.

Binuo ni Arias ang programa upang hamunin ang status quo sa isang rural conservative community sa Tabaco City, kung saan ang wrestling ay itinuturing na isang male sport. Hinihikayat nito ang mga kababaihan na matutunan ang sport at bumuo ng physical at mental strength.

Binibigyang-halaga ni PSC Commissioner Celia H. Kiram, na nangangasiwa sa Women in Sports program, ang suporta ng grassroots communities sa ahensiya sa bisyon nito na isulong ang sports excellence sa buong bansa at tumuklas ng mga bagong talento na magiging kinatawan ng bansa sa international competitions.

Si Arias ay kasalukuyang DepEd Teacher II sa Tabaco City at kinikilala ang kanyang mahalagang kontribusyon sa school-oriented initiatives.

Kinilala siya bilang isa sa Top 5 Outstanding Teachers sa lungsod noong 2017. Bilang coach, ginabayan ni Arias ang kanyang martial arts team na binubuo ng young girls na nagwagi ng 17 medals (4 gold, 6 silver, at 7 bronze) sa 2018 Women’s Martial Arts Festival at 2 silver at 3 bronze medals sa virtual competition noong nakaraang taon.

Iginiya rin ni coach Arias ang kanyang koponan sa  back-to-back championships sa 2017 at  2018 Pa­larong Bicol. CLYDE MARIANO