PORMAL na tinanggap ng nagkampeon sa katatapos lamang na unang edisyon ng 2022 World Slasher Cup 9-Cock Invitational Derby ang pinakaaasam na tropeo ng pinakaprestihiyoso at pinakamalaking cockfighting event sa buong mundo.
Ang awarding ceremony ay ginanap noong Myerkoles ng hapon sa Novotel Manila Araneta Center para sa solo champion na si TJ Marquez na nakapagtala ng 8-1 win-loss record.
Ayon kay Marquez, hindi niya inakalang masusungkit niya ang kampeonato dahil hindi naman, aniya, siya bigating sabungero katulad ng mga iniidolo nya.
“Dati nanonood lang ako ng World Slasher, pero ngayon one of the champions na of this prestigious cockfighting event,” sabi niya.
Muli niyang pinasalamatan ang pamunuan ng Araneta Coliseum dahil maski ang katulad nya na maliit lang na sabungero ay binibigyan ng pagkakatson para makasali rito.
“I would like to thank first the Araneta Coliseum management for continuing the tradition of the true sport, and for giving us the opportunity to join in this prestigious cockfighting event,” ani Marquez.
Hinikayat din niya ang lahat ng sabungero na sumali sa World Slasher Cup at i-promote ang tradisyunal na sabong.
“Hinihiling ko po sana sa mga idols po natin dati, ‘yung mga nagpapanalo dito at hindi na nakakasali, sana naman po sa mga susunod na laban eh makalaban din naman namin kayo para kahit papano mabuhay pong muli ang traditional sabong,” sabi pa ni TJ.
Aniya, maraming mga kababayan natin na umaasa sa traditional sabong ang nawalan ng hanapbuhay simula nang pumutok ang pandemya.
“Although may online na po ngayon which generates tax for the government, and it’s legal, but we should separate traditional sabong from online sabong.”
“Sana naman po mapagbigyan na ma-continue ang traditional sabong at pag-regulate po nito sana tumagal dahil all businesses are running in 100 percent capacity,” dagdag pa niya.
Nakatakda ang World Slasher Cup 2 sa Mayo 26 hanggang Hunyo 1, 2022 sa Smart Araneta Coliseum. DADI TSIKEN