OPISYAL nang si Yeng Guiao ang gagabay sa Philippine basketball team na sasabak sa 2018 Asian Games sa susunod na buwan.
Kinumpirma kahapon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pumayag na si Guiao na maging head coach matapos makipag-usap sa team owners ng Rain or Shine at kay coach Caloy Garcia.
“Coach Yeng has accepted, after a lot of discussion with the owners and Coach Caloy,” wika ni SBP president Al Panlilio sa isang press conference sa PBA office.
“He accepted to lead the Rain or Shine team, with Coach Caloy as part of his staff.”
Si Guiao ay naging coach ng Rain or Shine mula 2011 hanggang 2016, kung saan binigyan niya ito ng dalawang kampeonato bago lumipat sa NLEX matapos mapaso ang kanyang kontrata. Si Garcia, ang kanyang longtime assistant, ay itinaas bilang head coach.
Gayunman, sa Asiad ay babalik sila sa trabahong kanilang hinawakan noong 2016, kung saan si Guiao ang head coach at chief assistant niya si Garcia.
“Let’s admit it, coach Caloy has no international experiences,” pahayag ni Rain or Shine governor Mert Mondragon.
Sinabi naman ni Panlilio na magiging malaking eksperyensiya ito para kay Garcia.
Kasalukuyan nang isinasapinal ang line-up ng mga player na isusumite sa Indonesian Asian Games Organizing Committee (INASGOC).
Ang core ng Elasto Painters ang bubuo sa koponan, kasama ang tatlong Gilas Pilipinas cadets – Ricci Rivero, Kobe Paras, at Abu Tratter. Ilang players mula sa NLEX ang maaari ring makapasok sa koponan.
Makakasama rin sa koponan si Filipino-American guard Jordan Clarkson, bagama’t hindi pa siya pormal na pinakakawalan ng Cleveland Cavaliers, at ang kanyang eligibility ay nananatiling nasa kamay ng Olympic Council of Asia.
Comments are closed.