MAS kumpiyansa at handa ngayon si gymnast Carlos Yulo sa kanyang pagtatangkang masungkit ang gold medal sa 2024 Paris Olympics na gaganapin sa susunod na buwan.
Sinabi ni Yulo, isang two-time world champion sa men’s artistic gymnastics, na mas kampante siya sa kanyang pagbabalik sa grandest stage ng sports kumpara sa kanyang unamg Olympic appearance sa 2020 Tokyo edition.
“Sa Tokyo, hindi ako confident sa ginagawa ko. Kahit na-practice ko na siya nang marami, parang nahihiya ako sa galaw ko,” pahayag ni Yulo sa isang press conference kahapon sa Taguig City.
“Pero this time, confident ako kung ano ako, mas confident akong mag-perform at ipakita ‘yung galaw na pina-practice ko sa training,” dagdag pa niya.
Sa Tokyo Olympics ay tumapos si Yulo sa fourth sa vault. Nabigo siyang mag-qualify sa finals sa nalalabing apparatus, kabilang ang kanyang paboritong event, ang floor exercise.
Sa pagkakataong ito, kumpiyansa si Yulo na mas maganda ang kanyang ipakikita sa Paris dahil sa kanyang mga eksperyensiya, sa kanyang layunin para sa medal finish.
“Ita-try ko ‘yung best ko para makakuha ng gold medal,” pahayag ng 24-anyos na si Yulo.
“I am more stronger and prepared than last year. I prepared hard enough at nakahanda akong harapin ang aking mga kalaban,” aniya.
Dagdag pa niya, pinakamalaki ang tsansa niya sa floor at vault habang umaasa rin sa all-around at parallel bars.
CLYDE MARIANO