SISIMULAN ng dalawa sa top medal prospects ng bansa — gymnast Carlos Yulo at boxer Eumir Felix Marcial — at ni rower Joanie Delgaco ang kampanya ng Pilipinas sa Paris Olympics sa Sabado, July 27, isang araw matapos ang kakaibang opening ceremony sa Seine River.
Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na mainit na sisimulan nina returning Olympians Yulo at Tokyo 2020 bronze medalist Marcial ang kampanya ng bansa, umaasang mapantayan o mahigitan ang makasaysayang first Olympic gold na binuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz-Naranjo sa Tokyo 2020 at silvers nina boxers Carlo Paalam at Nesthy Petecio.
“We’re looking forward to Caloy [Yulo], Eumir and Joanie giving the country that strong start in Paris,” sabi ni Tolentino, na lilipad sa French capital sa Martes. “They’re all ready and inspired and in high spirits.”
Si Yulo, 23, tumapos sa fourth sa Tokyo sa vault, ay sasabak sa qualification round ng men’s individual all-around simula alas- 9:30 p.m. ng gabi (Philippine time) habang ang finals ay nakatakda sa Miyerkoles (July 31.)
Samantala, sasalang si 28-year-old Marcial sa light-heavyweight division makaraang iuwi ang middleweight bronze medal mula sa Tokyo.
Sisimulan din ng Zamboanga City native, may 5-0 record bilang pro, ang kanyang kampanya sa alas-9:30 ng gabi (Philippine time) sa Sabado.
Sisikapin naman ni Delgaco na umabante sa finals ng women’s single Sculls heats sa alas-3 ng hapon (Philippine time). Siya ang unang Pinay na nag-qualify sa Olympic rowing.
Nauna nang nagpahayag ng kumpiyansa si Tolentino sa tagumpay ng 22-athlete Team Philippines sa Paris.
“This team, I believe, is the most prepared in Philippine Olympic history,” sabi ni Tolentino, na pinasalamatan ang Philippine Sports Commission sa walang humpay na suporta nito sa kampanya na nagresulta sa kauna-unahang pre-Olympic training camp sa Metz, France.
“Our athletes have trained and prepared through a tried-and-tested template that guarantees an Olympic medal,” dagdag pa niya.
Isang two-time world champion— noong 2019 sa floor exercise at 2021 sa vault—si Yulo ay sinamahan ng tatlo pang gymnasts—Filipino-Americans Aleah Finnegan, Levi Jung-Ruivivar at Emma Malabuyom habang makakasama ni Marcial sina returning Olympians Petecio at Paalam, Aira Villegas at Hergie Bacyadan sa boxing.
Ito na ang ika-100 taong paglahok ng Pilipinas sa Paris, na tatampukan ng 10,714 athletes mula sa 206 bansa na sasabak sa 329 events mula 32 sports.