STUTTGART – Nagpamalas ng matinding performance si Carlos Edriel Yulo upang umabante sa men’s all-around finals, at ang mas mahalaga ay makopo ang isang puwesto sa 2020 Tokyo Olympic Games sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships noong Lunes sa Hans Martin Schleyer Halle dito.
Kumana ng magkatulad na iskor na 14.333 sa vault at parallel bars, ang kanyang huling dalawang events, si Yulo ay tumapos na 18th overall mula sa 160 entries upang mapabilang sa 24 gymnasts sa all-around finals sa Biyernes sa ultra-modern, 15,000-seat arena.
Sa makasaysayang kauna-unahan sa Philippine gymnastics, ang 4-foot-11 dynamo ay naging pangalawang Olympic qualifier ng bansa matapos ni pole vaulter Ernest John Obiena, na sinelyuhan ang kanyang sariling ticket sa Tokyo noong nakaraang buwan makaraang maghari sa isang meet sa Italy.
Umiskor ang gymnast ng solid 14.666 points sa kanyang pet event, ang floor exercise, at tumapos sa ika-7 puwesto overall upang makasama sa walong entries at pumasok sa finals ng apparatus sa Sabado sa kampanya na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez..
Ang pagkuwalipika ni Yulo sa Tokyo Olympics ay kinumpirma sa isang official press notice na ipinalabas ng International Gymnastics Federation, na kilala sa French acronym nito na FIG, at tinanggap ni Gymnastics Association of the Philippines secretary general Bettina Pou back sa Manila.
“Yes, Caloy (Yulo’s nickname) has already qualified in the all-around because he has moved up as No. 1 in the individual rankings since China, Russia and Japan have already qualified their athletes after their 1-2-3 finish, respectively, at last year’s worlds held in Doha, Qatar,” wika ni Pou.
“This is wonderful for Philippine gymnastics and for Caloy. It is an honor for GAP to have the second qualifier to the Olympics,” sabi ni GAP president Cynthia Carrion.
“Hopefully he will continue to do well and win a medal in both the all-around and floor exercise. And we urge our countrymen back home to pray for his success here.”