YULO TODO-ENSAYO PARA SA OLYMPICS

Carlos Edriel Yulo

WALANG kumpetisyon na sasalihan sa labas ng bansa, ngunit hindi nagpapabaya at walang tigil sa pag-eensayo si Carlos Edriel Yulo bilang pagha­handa sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.

Ang lahat ng international tournaments na lalahukan sana ni Yulo ay nakansela dahil sa COVID-19 pandemic.

Makakasama sana ni Yulo sina Olympic aspirants Jag Timbang at Justine Ace de Leon sa World Cup of Champions Gymnastics na gagawin sa Baku, Azerbaijan.

Si Yulo rin ang pambato ng bansa  sa 2021 Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam kung saan target niyang mapantayan, kung hindi man mahigitan, ang dalawang ginto at pilak na napanalunan sa nakaraang SEA Games na idinaos sa Filipinas.

“Caloy spent his precious time honing up his skill at the training ground under the keen eyes of his Japanese coach Munehiro Kugimiya,” sabi ni gymnastics president Cynthia Carrion sa panayam sa kanya.

Umaasa si Carrion na makalulusot din  sina Timbang at De Leon sa matinding pagsubok at makasama si Yulo sa Tokyo.

Matagumpay na nakapasok si Yulo sa Olympics matapos na manalo sa World Gymnastics na ginawa sa Stuttgart, Germany.

Wala pang Pinoy gymnast na nanalo ng medalya sa Olympic Games at tatangkain ni Yulo na magawa ito.

Si Yulo ang unang Pinoy gymnast na nagku­walipika sa Olympics matapos nina  Norman Henson at Ernesto Beren noong 1968 sa Mexico.

“Hopefully, Caloy makes history in Tokyo,” wika ng dating Philippine Sports Commission (PSC) commissioner. CLYDE MARIANO

Comments are closed.