BAGITO sa papel, ngunit bihasa sa labanan.
Lumapit sa kasaysayan ang bagong koponan na Zamboanga Sibugay nang daigin ang beteranong BYB Kapatagan, 73-64, sa Game 1 ng kanilang best-of-three championship sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge, Miyerkoles ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.
Tatangkain ng Anak Mindanao Warriors na makumpleto ang dominasyon sa Game 2, Huwebes ng alas-6 ng gabi.
“Aayusin pa namin especially ‘yung defense. Papagurin pa namin sila, tatakbuhan namin sila para makuha na ‘yung championship bukas,” pahayag ni Zamboanga Sibugay head coach Arnold Oliveros matapos ang laro.
Sinelyuhan ng Warriors ang panalo sa dominanteng 12-2 scoring run.
“Pinasikip namin ‘yung shaded area para makuha namin ‘yung rebound or ma-stop namin sila down the stretch,” sambit ni Oliveros.
Nakopo ni Jaybie Mantilla ang ikalawang sunod na Chooks-to-Go Manok ng Bayan Player of the Game award sa naiskor na 21 puntos mula sa 8-of-12 shooting, habang kumana si Jan Jamon ng 15 puntos.
Nanguna sa Buffalos si Richard Kwong na may 19 puntos bago napatalsik sa limang fouls, may 2:03 ang nalalabi sa laro.
Nalimitahan ang Conference MVP na si Edrian Lao sa anim na puntos sa mababang 2-of-13 shooting. EDWIN ROLLON
Iskor:
Zamboanga Sibugay (73) – Mantilla 21, Jamon 15, Octobre 11, Arong 6, Imperial 6, Dumapig 4, Foronda 4, Sorela 3, Caunan 3, Lacastesantos 0, Acain 0, Pasia 0, Bangcoyan 0.
Kapatagan (64) – Kwong 19, Bonganciso 15, Ariar 13, Lao 6, Daanoy 4, Rodriguez 4, Puerto 3, Sollano 0, Delfinado 0, Igot 0.
QS: 18-12, 38-34, 54-49, 73-64.