ZONAL VALUE SA PASIG TARGET I-UPGRADE SA HUNYO

ZONAL VALUES

INANUNSYO ni Revenue District Officer Rufo Ranario ng RD 043 o Bureau of Internal Revenue-Pasig City na target nilang maitaas  ang zonal value sa lungsod sa Hunyo ngayong taon.

Ginawa ni Ranario ang pahayag makaraan ang matagumpay na konsultasyon o public hearing para sa 6th Proposed Revision of the Zonal Valuation ng Real Properties sa Pasig City noong Mayo 24 sa Tanghalang Pasigueno, Pasig City Hall.

Makaraan ang paglalahad ng pagtaya ng halaga o valuation sa mga lugar  sa lungsod, naniniwala si Ranario na lulusot ang kanilang panukala sa susunod na buwan ay kanila nang mai-upgrade ang zonal value.

Gayunman, may pakiusap naman siya Ranario sa mga nabentahan ng lupa o property sa Pasig City na ilahad sa kanila ang mga ito para maipasok sa bagong pagtataya sa pagbubuwis.

Payo pa ng Revenue District Officer sa mga nabentahan at nagbebenta ng property sa Pasig City na itugma ang appraisal para sa selling price.

Ipinaliwanag din ni Ranario na mahalaga ang zonal valuation dahil layunin nito ang tamang pagbubuwis na ang makikinabang ay ang local government at mga mamamamayan ng Pasig City.

Pinuri rin nito ang mga naging katuwang sa isinagawang public hearing partikular si Regional Director Marina C. De Guzman, RDO assistant Cynthia Y. Lobo  para maaaprubahan ang zonal valuation.

Kasama rin sa dumalo si Chairman Albino Galanza, mga kinatawan mula a Pasig City Assessor’s Office, mga private appraiser, mga kinatawan ng  National Housing Authority (NHA), Housing and Land Use Regulatory Board, Land Registration Authority, National Tax Research Center at mga condominium owner at iba pang real property owners.

Pinasalamatan ni Ranario ang kawani ng RDO 043 dahil sa masigasig na gawain ng mga ito para maisakatuparan ang nasabing pagdinig o konsultasyon.

Tiniyak naman ni Ranario na alinsunod sa batas ang kanilang pagtataas ng pagtaya sa halaga ng real estate, mayroon silang basehan at may mga tamang tao na siyang nag-appraise sa ari-arian. EUNICE C.

Comments are closed.