(1 manggagawa bulagta, 2 pa sugatan) TINAWAG NG KALIKASAN, PINAGBABARIL

Pinagbabaril

CAGAYAN – PATAY ang isang lalaki, habang malubhang nasugatan ang dalawa nitong kasamahan sa trabaho matapos silang pagbabarilin sa hindi malamang dahilan ng hindi nakikilalang mga suspek sa bayan ng Lal-lo Cagayan.

Kinilala ni P/Master Sgt. ng PNP Lal-lo ang nasawing si Florante Cristobal, ang dalawang sugatan naman ay sina Fely Irigayen at Cresity Oli, pawang residente ng Barangay Catugan, Lal-lo Cagayan habang ang tatlo pa nilang kasamahan ay hindi tinamaan sa nagya­ring pamamaril.

Pauwi na ang anim na biktima mula sa kanilang trabaho alas-7:45 ng gabi lulan ng  truck nang kanilang makasalubong at muntik nilang mabangga ang isang tricycle na lulan ng mga suspek.

Hindi nila umano pinansin ang muntik na nilang mabangga na tricycle na inakalang wala na iyon dahil sa wala naman umanong nangyari.

Nang marating umano ng mga biktima ang isang sabana sa Barangay Sta Maria, ay tumi­gil ang truck dahil umihi ang isa nitong sakay, na hindi nila alam na sinusundan pala sila ng mga suspek at nang abutan sila ay dito na sila pinagbabaril

Nakatakbo naman ang tatlo pang kasamahan ng mga biktima na ngayon ay kinukuhanan na ng pahayag.

Nagtamo ng tama ng baril si Cristobal sa kanyang dibdib na dahilan ng kanyang agarang kamatayan habang tinamaan naman sa panga si Irigayen at sa likod naman si Oli.

Narekober naman sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre .45. IRENE GONZALES

Comments are closed.