ISA ang patay habang isa naman ang nasugatan, dalawa ang arestado at isang menor-de-edad ang na-rescue sa operasyon ng mga pulis kontra ilegal na droga sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Patay ang lalaking nakilala lang sa alyas na Albert nang tumalon sa bintana habang sugatan naman ang kasama nitong lumundag din sa bintana upang makatakas na nakilala sa alyas Dudoy.
Samantala, arestado sina Jennifer Dizon, 29-anyos, dalaga, tambay, ng Bldg. A, Room 411, Camres 1, Barangay 175, Caloocan City; at Michael Meneses, 38-anyos, tricycle driver, may-asawa, ng Bldg. A, Room 407 Camres 1, Barangay 175, Camarin, Caloocan City; at nailigtas ang 15-anyos na itinago sa pangalang “Didong.”
Naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa Bldg. A, Room 407, 4th Floor, NHA Camres 1, Barangay 175 Camarin, Caloocan City.
Napag-alamang may nagsumbong sa mga pulis ukol sa mga kahina-hinalang tao sa nasabing lugar at nang rumesponde ang mga pulis ay agad nilang nakita ang dalawang lalaking papasok sa Room 407 at nabulaga silang may mga bumabatak.
Dala nang pagkabigla ay tumalon palabas sina Albert at Dudoy na naging dahilan nang agad na kamatayan ng una habang isinugod sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang huli para magamot at dinampot naman ang tatlong iba pang suspek.
Dinala ang bangkay ni Albert sa Jade Funeral Homes para sa awtopsiya.
Nasamsam ng mga pulis sa lugar ang ilang sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalias. EVELYN GARCIA
Comments are closed.