NAGPASALAMAT si Environment Secretary Roy A. Cimatu sa 100 Philippine Army trainees ng 3rd Infantry Division sa Hamindan, Antique sa pagtulong sa paghuhukay ng 28 illegal pipes sa Boracay.
Dahil sa tulong ng mga trainee ay napabilis ang trabaho ng DENR.
Kinailangang hukayin ang nasabing mga tubo dahil napatunayang nagtatapon ang mga ito ng maruming tubig na may bacteria sa dagat ng Boracay.
Sa 28 tubong nahukay, 26 ang kumpirmadong nagtatapon ng maruming tubig sa dagat, samantalang ang dalawa pa ay wala nang koneksiyon.
Sa halip na riple, pala at asarol ang ginamit na sandata ng mga kadeteng army bilang tulong sa DENR.
Ang mga pala ay galing kay Aklan Governor Florencio Miraflores, na nagnanais ding mapabilis ang clean up ng nasabing lugar.
Ang mga kadeteng tinawag na Boracay Centurions na pinamunuan ni Col. Dennis Tanzo, ay naka-deploy sa tatlong istasyon ng dalampasigan ng Boracay na may habang 4.5 kilometers.
Ang mga kadete ay kasalukuyang nasa apat na buwang training sa Camp Peralta.
Pansamantalang ipinasara sa loob ng anim na buwan ang Boracay mula noong Abril 26.
Inaasahang muli itong bubuksan sa turista sa buwan ng Oktubre kapag natapos na ang restorasyon at rehabilitasyon ng lugar.
Gayunman, hindi umano kasama sa time table nila ang natagpuang mga tubo sa dalampasigan ng Boracay.
Ani Cimatu, napag-alaman nilang posibleng may 43 tubo ang nakabaon pa sa lugar na naispatan ng technical team ng Mines and Geosciences Bureau gamit ang ground penetrating radar. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.