119 RIDERS PAPADYAK SA NAT’L CHAMPIONSHIPS

riders

MAHIGIT sa 100 riders ang sasabak sa men’s elite, under-23, at men’s junior categories sa 2019 National Road Championships ng Philcycling.

Ang road races ay gaganapin sa Hulyo 23, habang ang time trial events ay idaraos sa Hulyo 24 sa Tagaytay City.

May kabuuang 119 riders ang nagpatala para sa Men Elite at Under-23 Road Race (Massed Start) ng championships.

Sa Men Junior (17-18 years old) Road Race ay may 101 riders ang pepedal, sa pag-asang masundan ang mga yapak ng kanilang mga idolo, kabilang sina dating Tour champions Mark John Lexer Galedo, El Joshua Carino, Ronald Oranza at Jan Paul Morales – pawang national riders na itataya ang kanilang slots sa koponan na kakatawan sa bansa sa 30th Southeast Asian Games sa Dis­yembre.

“The figures [registration] is proof that cycling is very much alive in the Philippines, thanks to our sport’s stakeholders,” wika ni PhilCycling president at Tagaytay City Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Ang Men’s Elite at Under-23 Individual Time Trial (ITT) ay umakit ng 68 riders, na pawang sasabak din sa Road Race, habang ang Men’s Junior ay may 43 aspirants.

Samantala, may 12 riders naman ang papadyak sa Women Elite Road Race, gayundin sa ITT ng championships kung saan 12 teams ang nagpare­histro para sa  Men Elite Team Time Trial.

Ang Men Elite at Under-23 ITT ay sisikad sa 18 kms at ang Road Race ay may 132.08 kms, habang ang Women Elite at Men Junior ITT  ay 12 kms, Road Race, 91.35 kms, at  Men Elite TTT, 40 kms.

Ang main hub ng torneo ay ang Praying Hands (Tagaytay City International Convention Center) sa Aguinaldo Highway.

Dadaan ang Road Races at time trial events sa First District ng Batangas —Agoncillo, Balayan, Calaca, Laurel, Lemery, Lian, Nasugbu, Talisay at Tuy.

Comments are closed.