12 DRUG SUSPECTS PATAY SA ENGKUWENTRO

engkuwentro

LAGUNA – NAITALA ang naganap na magkakahiwalay umanong engkuwentro ng mga awtoridad at mga drug suspek matapos ang ikinasang buy bust operation ng pulisya na ikinasawi ng 12 katao sa lalawigang ito.

Sa ipinalabas na talaan ni Provincial Information Officer PCI Jojo Sabeniano, sinasabing bukod sa unang napaulat na napatay na pitong drug suspek sa lungsod ng San Pedro, Biñan, Lumban, Kalayaan at bayan ng Cavinti, may lima pa ang nasawi naman sa lungsod ng Calamba at San Pablo.

Batay sa talaan ng Laguna PNP, lumilitaw na may kabuuang 12 drug suspects  ang napatay sa loob ng dalawang araw makaraang inilatag ang Simultaneous Anti-Crime Law Enforcement Operation (SACLEO) ng mga miyembro ng Laguna-PNP.

Kaugnay nito, dalawa sa itinuturo umanong miyembro ng Fajardo Group ang magkasunod na napatay ng mga kagawad ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Calamba City PNP habang aktong nagsasagawa ng buy bust operation sa pamumuno ni PSupt. Harold Depositar na nakilalang sina Dennis Guilas, residente ng Brgy. Bucal, at isang Ronald Bestre, alyas “Tim” ng Brgy. Turbina, pawang nasa drugs watchlist.

Sinasabing tatlo pa sa mga ito ang nakatakas na sina Ramonchito Fajardo, alyas “Barok”, tumatayo umanong lider ng mga ito, Jayson Garcia alyas “Budjang” at isang Tito Vitas.

Narekober ng pulisya sa napatay na mga suspek ang isang kalibre na baril na KG9, at isang UZI kabilang ang dalawang bulto ng shabu.

Bukod dito, dalawa pang itinuturong kawatan na sina Arjay Galvan at Ade Abellada, pawang nasa watchlist ang magkasunod na nasawi bandang ala-1:30 ng madaling araw matapos umanong manlaban sa pulisya sa Lakebreeze 2, Brgy. Uwisan, lungsod ng Calamba habang isa pa sa kanilang kasamahan na si Oscar Suazo ang naaresto.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang kalibre na baril at hindi pa mabatid na gramo ng shabu.

Samantala, nasawi rin sa naganap na engkuwentro sa bahagi ng Maharlika Hi-Way sa lungsod naman ng San Pablo ang suspek na si alyas “Brix” bandang alas-4:00 kahapon ng madaling araw.

Lumilitaw sa ulat ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) na ang suspek na si “Brix” ang itinuturong big time supplier ng shabu ni Bicutan Detainee na si Vitto Cruz residente ng lalawigan ng Quezon.

Napag-alaman pa sa report na ginagamit ng mga ito ang cellphone sa kanilang pang-araw-araw na transaksiyon sa droga.

Narekober sa suspek ang kalibre 38  baril, ziplock na naglalaman ng 25 gramo ng shabu na umaabot sa P75,000.00 street value at buy bust money.   DICK GARAY

Comments are closed.