LABINDALAWANG koponan ang nagpahayag ng interes na lumahok sa 2020 PBA D-League Aspirants’ Cup na magsisimula sa Pebrero 13.
Nangunguna sa talaan ang Eco Oil-DLSU na binubuo ng Green Archer team na tumapos sa ika-5 puwesto sa UAAP noong nakaraang taon.
Ang iba pang bagong koponan ay school-based squads Mapua at DLSU Dasmariñas, at club teams Parañaque City at Debantan Sports.
Samantala, determinado ang Centro Escolar University at Marinerong Pilipino na gumawa ng ingay sa nalalapit na season makaraang mabigo noong nakaraang taon.
Magbabalik din ang University of the Philippines na inaasahang hahatak ng interes. Ang Maroons ay palalakasin nina Kobe Paras, Ricci Rivero, at Bright Akhuetie.
Ang UP ay unang sumalang sa developmental league sa 2016 Aspirants’ Cup kung saan yumuko ito sa Tanduay sa quarterfinals.
Ang iba pang bumubuo sa 12-team field ay ang Ironcon-UST, Far Eastern University, Diliman College, at AMA Online Education.
Ayon kay Tournament Supervisor Mauro Bengua, ang mga kalahok ay may hanggang Enero 15 para magbayad ng entry fee.
Ani Bengua, ang 2020 PBA D-League Draft ay gaganapin sa January 20 sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Comments are closed.