SA mahigit isang buwan na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa lungsod ng Las Pinas ay umabot na sa 122 na indibidwal ang nagpositibo sa kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon sa talaan ng Las Piñas City Health Office (CHO), sa kabuuang bilang ng tinamaan ng COVID-19 ay 14 naman dito ang tuluyan nang gumaling samantalang siyam naman ang namamatay.
Ang mga probable na kaso ay may bilang na 6 habang ang suspect ay nasa 48 naman ang kaso.
Pinangunahan ng Barangay Talon Dos na may pinakamataas ang bilang na nagpositibo sa COVID-19 na nakapagtala ng 18 kaso.
Ito ay sinundan ng Pamplona Dos na siyang pumangalawa na may 13 kaso habang pumangatlo naman ang BF International CAA na may 11 kaso ng COVID-19.
Sa isang panayam sa hepe ng CHO na si Dr. Ferdinand Eusebio, sinabi nito na sa kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa naturang virus ay 80% dito ay nasa upper class o yung mga nahawahang pasyente na nakatira sa mga subidbisyon at villages sa lungsod.
Sinabi ni Eusebio na ang CHO ay nakikiusap sa mga residente ng kanilang disiplina sa sarili at agad na makipag-coordinate sa kanila kung nararamdaman nilang mayroon silang sintomas ng naturanag virus.
Paliwanag ni Eusebio na ang disiplina ng mga residente ang pinakamagandang gawin upang mapigil ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa mga health guidelines na ini-implementa ng lokal na pamahalaan.
Dagdag pa ni Eusabio na nakipag-ugnayan na rin sila sa mga barangay upang matulungan ang mga indibidwal na naka-self quarantine sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng pagbili ng pangangailangan ng mga ito dahil pinagbabawalan sila na makalabas sa kanilang mga bahay.
Napag-alaman din kay Eusebio na nagsimula na rin sa lungsod ang pagsasagawa ng rapid anti-body testing sa 20 indibidwal na nagnegatibo naman sa naturang virus. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.