(12th all-time low sa 2022)HALAGA NG PISO KONTRA DOLYAR P59:$1 NA

PISO-DOLLAR-3

MULING sumadsad ang piso kontra dolyar sa panibagong record low nitong Lunes sa harap ng inaasahang paghihigpit pa sa polisiya ng United States.

Ito na ang ika-12 all-time low ng currency sa kasalukuyan ngayong taon.

Ang local unit ay humina ng 32.5 centavos upang magsara sa P59:$1 mula sa P58.625:$1 noong Biyernes.

Ang muling pagbagsak ng piso kontra dolyar ay matapos ang tatlong sunod na araw na paglakas, at ito ang “weakest performance” ng piso makaraang mahigitan ang P58.99:$1 pagsasara noong September 27, 2022.

Ang mga naunang all-time low ng piso kontra dolyar ay naitala noong September 2 (P56.77:$1), September 5 (P56.999:$1), September 6 (P57.00:$1), September 7 (P57.135:$1), September 8 (P57.18:$1), September 16 (P57.43:$1), September 20 (P57.48:$1), September 21 (P58$1), September 22 (58.49:$1), September 23 (P58.50:$1), at September 27 (P58.99:$1).

Sa pagsasara kahapon, ang piso ay humina na ng P8.00 o 15.7% mula sa P50.999:$1 sa huling trading day ng 2021.