16K DELIVERY RIDERS SWAK SA FUEL SUBSIDY

MAY 16,233 delivery riders mula sa apat na last-mile delivery service (LMDS) platforms ang kuwalipikado para sa fuel subsidy na ipinagkakaloob ng pamahalaan para mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.

Sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) chief of staff at Undersecretary Ireneo Vizmonte na naisumite na ng ahensiya ang listahan ng accredited delivery riders na maaaring tumanggap ng  fuel subsidy sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Ito ay ginagawa natin in coordination with platforms, iyong mga last-mile delivery service provider. Sa kanila po natin kinukuha ‘yung mga pangalan, sino po ba iyong mga accredited independent riders,” sabi ni Vizmonte sa isang radio interview nitong Biyernes.

Nakuha ng DTI ang listahan ng independent riders mula sa LMDS providers, at nirepaso ito ng ahensiya upang matiyak na hindi magkakaroon ng duplikasyon ng pangalan mula sa apat na LMDS platforms.

Paliwanag ni Vizmonte, ang independent riders ay yaong walang employer-employee relation sa LMDS companies.

“Sa delivery riders ay pinag-iisapan ay through e-wallet dahil mayroon na sila noon to receive their subsidy, ‘di na kailangan ng bagong card,” dagdag pa niya.

Ang public utility vehicle drivers ay tumatanggap ng  P6,500 subsidiya sa pamamagitan ng kanilang Pantawid Pasada cards.

Nauna nang inihayag ng LTFRB na ang mga delivery rider ay maaaring tumanggap ng mas mababa sa P6,500.                PNA