1,777 PAMILYANG APEKTADO NI PAENG INAYUDAHAN

QUEZON- TUMANGGAP ng financial assistance ang may 1,777 pamilya na malubhang naapektuhan ni Bagyong Paeng sa isang programa na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginanap sa multi- purpose hall ng Lucena City nitong Sabado ng umaga.

Ang mga nabanggit na pamilya ay nagmula sa mga bayan ng Candelaria, Sariaya at nasabing lungsod Lucena matapos ang balidasyon na ginawa ng lokal na sangay ng DSWD sa pinsalang tinamo ng mga ito dulot ng bagyo.

Bukod sa financial aid na tinanggap ng mga Quezonians, nabigyan din ng pansamantalang trabaho ang mahigit sa isanlibong kababaihan sa programang TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Kaugnay nito, sisimulan na ring itayo ang bagong tulay na nag-uugnay sa mga bayan ng Sariaya at San Juan Batangas na pamamahalaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay DPWH Region 4A Director Jovel Mendoza, mas matibay, at world class quality ang ipapalit sa bumagsak na tulay sa nasabing lugar at maiibsan na ang hirap na nararanasan ng libo-libong estudyante at mamamayan mula pa sa mga bayan ng Quezon at Batangas.

Gayundin, ang nasabing ayuda ay naisakatuparan sa pamamagitan ng tanggapan nina Representatives House deputy Majority Leader David C. Suarez at Alona partylist Anna Suarez. ARMAN CAMBE