SASAMBULAT na ang fourth season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa April 25 kung saan mismong si founder at boxing legend Senator Manny Pacquiao ang magsisilbing special guest of honor sa opener sa Batangas Coliseum.
Ayon kay Commissioner Kenneth Duremdes, pinaplantsa na ang mga plano para sa personal appearance ng 43-year-old retired boxer at presidential aspirant sa kabila ng kanyang busy schedule sa pangangampanya para sa nalalapit na national elections.
“Pupunta siya sa opening sa Batangas City Coliseum. Ginagawa na ng political team niya ‘yung schedule niya,” pahayag ni Duremdes sa virtual Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes.
Si Duremdes at ang iba pang mga opisyal ng MPBL ay nakipagpulong kay Pacquiao Lunes mg gabi para talakayin ang mga plano at programa ng liga para bago nitong season na lalahukan ng 18 teams.
Pangungunahan ng Basilan, nagwagi sa MPBL Invitational noong nakaraang December, ang league regulars na magbabalik sa liga, kasama ang Nueva Ecija at San Juan, habang lalaro ang Negros sa una nitong MPBL season makaraang sumabak sa parehong invitational meet, tatlong buwan na ang nakalilipas.
“Yes, they will join the fourth season, and they’ve already submitted their letter of intent to join,” sabi ni Duremdes sa weekly session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Unilever, Amelie Hotel Manila, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PACGOR).
Dahil sa COVID-19, ang liga ay magkakaroon pa rin ng limited home-and-away games, kung saan ang Batangas, Pampanga, at Bulacan ay kabilang sa mga lugar na planong pagdausan ng mga laro.