MAY 1,000 security digital (SD) cards, at mula 400 hanggang 600na vote counting machines (VCMs) na ginamit ng Commission on Elections (Comelec) sa midterm elections nitong Lunes ang pumalya.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, ang humigit kumulang na 1,000 SD cards na pumalya sa eleksiyon ay higit na mas marami kumpara sa 126 SD cards lamang na nagkaaberya noong nakaraang taon.
Nilinaw naman ni Guanzon na iba ang supplier nila ng SD cards ngayong taon, kumpara noong nakaraang halalan.
Sinabi naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez na aabot din sa 400 hanggang 600 VCMs ang nag-malfunction sanhi upang maantala ang halalan sa ilang lugar ngunit napalitan naman aniya kaagad ang mga ito at natuloy rin ang halalan.
Ayon kay Jimenez, ikinagulat nila ang mas maraming pumalyang poll machines ngayon kumpara noong mga nakalipas na halalan.
Aminado naman siya na hindi maiiwasang pumalya ang mga poll machine dahil maaaring natagtag ang mga ito habang ibinibiyahe patungo sa mga polling precinct.
Tiniyak naman ni Jimenez na mayroon silang 9,000 contingency VCMs na nakakalat sa buong bansa para magamit na pamalit sakaling may mga makina ngang hindi magamit sa eleksiyon.
Samantala, sinabi ni Jimenez na sa kabila nang pagkaantala ng halalan sa ilang lugar ay hindi na nila palalawigin pa ang voting hours para sa midterm polls.
Ang halalan ay idinaos mula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi kahapon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
BINAY NAKARANAS NG ABERYA
Umabot sa halos mahigit na dalawang oras bago nakaboto si dating Vice-President Jejomar Binay matapos na dalawang beses na nagkaaberya ang vote counting machine sa kanyang presinto sa kadahilanan na ni-reject ang kanyang balota.
Dakong 7:30 ng umaga ay dumating ang matandang Binay sa cluster 162 sa San Antonio High School, Brgy. San Antonio Village, Makati City upang bumoto.
Ang dalawang beses na pagkaka-reject ng VCM sa kanyang boto ay kaagad naman ng ini-report ng matandang Binay sa Commission on Election (Comelec) dahil magiging sayang aniya ang kanyang boto .
Pinayagang muling bumoto ang matandang Binay ng Comelec at binigyan ito ng panibagong balota at naging maayos naman ito.
Para sa matandang Binay, ito na ang pinakamahirap na halalang kanyang naranasan dahil nag-aaway ang kanyang dalawang anak na sina Abby at Jun Jun na parehong kandidato sa pagka-alkalde sa lungsod ng Makati.
Hinggil naman aniya sa issue ng vote buying matapos maaresto ng operatiba ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa pa-mumuno ng director nito na si Police Major General Guillermo Eleazar ang 70 supporters umano ni Abby kabilang ang tatlong barangay official nitong Sabado ng gabi sa San Isidro Barangay Hall ay hindi naman nagbigay ng pahayag ang dating Vice-president at sinabi na lang nito na hintayin na lamang ang imbestigasyon ng pulisya.
PAGBOTO NI VICO SOTTO NAANTALA
Naantala rin ang pagboto ni Pasig City mayoralty candidate Vico Sotto dahil sa problema sa vote counting machine (VCM).
Dakong 8:43 ng umaga nang dumating sa polling precinct niya sa Valle Verde 5 si Sotto kasama ang kaniyang ina na si Connie Reyes.
Dahil hindi gumagana ang VCM, inabisuhan si Sotto na iwan na kaniyang balota sa election officers at ang board of election canvassers na lamang ang magpapasok nito sa makina kapag may dumating nang bago, ngunit sinabi ni Sotto na babalik na lamang siya kapag naayos na ang VCM o kapag napalitan na ito.
Inaabangan ang resulta ng botohan sa lungsod dahil kinalaban ni Sotto ang mga Eusebio na matagal nang nakaupo.
DE LIMA 10 MINUTO LAMANG BUMOTO
Sa Parañaque City naman, eksaktong alas-12:00 ng tanghali bumoto si Senadora Leila De Lima sa Precint 064AA Saint Rita College, Saint Rita Village, sa lungsod na tumagal lamang ng 10 minuto at pagkatapos ay kaagad itong umalis.
Halos nasa 100 police personnel ang escort ng senadora na nakasakay sa PNP Coaster at dalawa pang sasakyan.
Hindi nagpaunlak ng anumang interview si De Lima dahil hindi ito pinayagan ng korte. MARIVIC FERNANDEZ
TAGUMPAY AT MAPAYAPA ANG ELEKSIYON- COMELEC, PNP
Naging matagumpay at mapayapa sa pangkalahatan ang idinaos na midterm elections, ayon sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Gayunman, aminado si Comelec spokesperson James Jimenez na hindi pa rin naiwasan na maranasan ang ilang problema at aberya, pangunahin dito ang pagpalya ng tinatayang 400 hanggang 600 vote counting machines (VCMs).
“2019 midterm elections is generally peaceful, might be a little problematic but we are resolving the issues,” ayon kay Jimenez, sa isang press briefing.
Tulad naman ng inaasahan, hindi pa rin naman naiwasan na makaranas ng ilang aberya sa eleksyon, na dati na ring nararanasan sa mga nakalipas na halalan, kabilang na dito ang pagpalya ng VCMs, mabagal na pila, hindi paggana ng Voter Registration Verification Machines (VRVM), mahabang pila, pagkawala ng mga pangalan ng mga botante sa listahan, hindi kaagad makitang polling precinct, naligaw na official ballots at iba pa.
Sa Mindanao naman ay nagkaroon pa rin ng ilang kaguluhan, gaya ng pagpapasabog sa Maguindanao, at iba pang karahasan, gaya ng pamamaril sa Sulu, na ikinasugat ng siyam na katao, at pagpatay sa isang barangay kagawad sa Clarin, Misamis Occidental, na binaril at napatay ng isang di kilalang lalaki, matapos lamang itong makaboto.
Marami ring naitalang insidente ng vote buying ang Comelec, gayundin ng mga paglabag sa liquor ban at election gun ban.
Sa kabila naman nito, itinuturing ng Comelec at PNP na mapayapa at generally successful sa kabuuan ang katatapos na eleksiyon at mas kaunti ang election-related violence na kanilang naitala.
Inamin din ni Jimenez na ikinagulat nilang mas maraming VCMs ang pumalya ngayon kumpara sa nakalipas na halalan.
Sa pagtaya ni Jimenez, aabot sa 400 hanggang 600 VCMs ang pumalya, ngunit pinalitan naman nila ang mga ito upang matuloy ang eleksiyon.
Maliit din aniya ang naturang bilang kumpara sa kabuuang 85,000 VCMs na ginamit nila sa eleksiyon.
Paliwanag niya, hindi rin maiiwasang pumalya ang mga poll machines dahil maaaring natagtag ang mga ito habang ibinibiyahe.
Nabatid na mayroon namang 9,000 contingency VCMs ang ipinakalat ng Comelec sa buong bansa, para magamit sa mga ganitong pagkakataon.
Inako rin ni Jimenez ang lahat ng mga isyu na naranasan sa eleksiyon.
“Comelec is responsible for all the issues being experienced in this elections. The buck stops with Comelec,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ