Standings W L
Perpetual 1 0
CSB 1 0
SSC-R 1 0
Letran 1 0
San Beda 1 1
Mapua 1 1
Arellano 1 1
LPU 1 1
JRU 0 2
EAC 0 2
Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Arellano vs Perpetual
3 p.m. – SSC-R vs CSB
TATLONG koponan ang magtatangka sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagpapatuloy ng NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil EcoOil Centre.
Sisikapin ng University of Perpetual Help System Dalta, determinadong patunayan na hindi tsamba ang pagpasok nila sa Final Four noong nakaraang season, na manatili sa ibabaw ng standings sa pagharap sa Arellano University sa 12 noon curtain raiser.
Pipilitin naman ng College of Saint Benilde at San Sebastian na mapanatili ang momentum ng kanilang season opening victories sa salpukan sa alas-3 ng hapon.
Batid ng Altas na mapanganib na kalaban ang Chiefs kahit galing ito sa 51-60 loss sa Stags noong Martes, dahilan para mahulog ang Legarda-based squad sa 1-1 kartada.
“Arellano is a surprise team, kasi isang beses na naglaro sa preseason. Maraming isip ang mangyayari doon, maraming trabaho,” sabi ni Perpetual coach Myk Saguiguit.
Kung ang unang apat na playdates ng season ang pagbabasehan, hindi lang ang Chiefs ang kinatatakutan ng Altas.
“Actually, hindi lang Arellano, all the nine teams. Sobrang balanced ang season ngayon. Hindi natin alam kung sino ang mananalo. We just have to keep on grinding every day,” sabi ni Saguiguit.
Kinailangan ng Perpetual ng malaking third period breakaway upang gapiin ang Jose Rizal University, 84-60, noong Linggo.
Tatangkain ulit ng Blazers na tuldukan ang pinakamahabang Final Four drought ng liga, na ngayon ay 19 seasons na.
Malaki ang respeto ni CSB coach Charles Tiu sa San Sebastian, na isa sa mga paborito dahil sa kanilang impresibong kampanya sa off-season leagues.
“They are always contenders sa NCAA. Ang ganda ng programa nila. Every year nandoon iyan. I’m sure they had a disappointing year last season for their standards,” ani Tiu, na naghahanda sa physical at rugged play ng Stags.
“Hopefully we can match their toughness and we rebound them but it’s gonna be a tough tough test for us.”
Ang Blazers ay nangailangan ng malakas na fourth quarter upang maitarak ang 86-69 panalo kontra Lyceum of the Philippines University, noong nakaraang Linggo.