Laro ngayon;
6 p.m. – Ginebra vs TNT
(Game 2, Ginebra abante sa serye, 1-0)
PUNTIRYA ng Barangay Ginebra ang ikalawang sunod na panalo at lumapit ng dalawang hakbang tungo sa kampeonato kontra Talk ‘N Text sa best-of-seven PBA Philippine Cup finals ngayon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.
Mataas ang morale makaraang makauna sa pamamagitan ng 100-94 overtime win sa Game 1, muling haharapin ng Kings ang Tropang Giga sa alas-6 ng gabi.
Sa kabila na nakauna ay walang plano ang tropa ni coach Tim Cone na magkumpiyansa at mag-relax dahil alam nilang gagawin ng mga bataan ni coach Bong Ravena ang lahat para makaganti at maitabla ang serye.
Pinaalalahanan ni Cone ang kanyang tropa na maaga pa para magdiwang at pag-igihan pa ang kanilang laro at huwag bigyan ng pagkakataon ang TNT na makaporma sa Game 2.
“i reminded them during practice to stay alert and focused to prevent TNT from getting back at us,” sabi ni Cone, na puntirya ang ika-23 titulo mula pa noong 1991.
Sa kabila na natalo sa Game 1 ay hindi naman nasiraan ng loob si coach Ravena at determinadong rumesbak at itabla ang serye.
Masusing pinag-aralan ni Ravena at ng coaching staff ng TNT kung saan sila nagkamali at nagkulang. Gumawa si Ravena ng adjustments at ayaw niyang maulit ang nangyaring kabiguan sa Game 1.
“We studied and analyzed the game and found out our shortcomings that caused our defeat,” sabi ni Ravena.
Babalik ang Tropang Giga sa court fully loaded from their vast arsenal at isa ang nasa isip gantihan ang Barangay Ginebra.
Muling sasandal si Cone kina Japeth Aguilar, Stanley Pringle, Scottie Thompson, LA Tenorio at Jeff Chan at magsisilbing back up sina Aljun Mariano at Arvin Tolentino.
Itatapat naman ni Ravena sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Ray Parks Jr., Simon Enciso, Ryan Reyes at Jay Washington.
Gayunman ay posibleng hindi makapaglaro si Parks dahil sa iniindang injury sa kaliwang binti. CLYDE MARIANO
Comments are closed.