2 BIKTIMA NG PAPUTOK NAITALA

paputok-2

INIULAT ng Department of Health (DOH), na nakapagtala na sila ng mga unang biktima ng paputok sa bansa, kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa bansa.

Batay sa inilabas na Fireworks-Related Injuries (FWRI) No. 1, nabatid na mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 22, ay dalawa katao na ang naitala nilang nasugatan dahil sa paputok.

Kabilang umano sa kanila ay isang 4-taong gulang na batang babae mula sa Region 2, na iniulat ng Southern Isabela Medical Center at isang 23-taong gulang na lalaki, na mula naman sa National Capital Region (NCR) at iniulat naman ng Philippine General Hospital (PGH).

Isa sa kanila ay nabiktima ng kuwitis ngunit hindi tukoy kung ano ang uri ng fireworks na nakasugat sa isa pa.

Kapwa naman nasa maayos na ang mga biktima na nagtamo lamang ng burn injury without amputation.

Nabigyan na umano ng karampatang lunas ang mga biktima, gaya ng bakuna, at kaagad ring pinayagang makauwi sa kani-kanilang tahanan.

Sinabi naman ng DOH, na mas mababa ang naturang bilang ng 67%, kumpara sa naitalang kaso sa kaparehong panahon noong 2018 na umabot ng anim na kaso.

“This year, cases (N=2) were 67% lower from the 2018 cases reported (N=6) and from five-year average (2014 to 2018) of 6 cases, same time period,” anang DOH.

Kaugnay nito, iniulat ng DOH na wala pa silang naitalang anumang kaso ng fireworks ingestion at stray bullet, at wala pa ring iniuulat na nasawi dahil sa paputok.

Patuloy rin naman ang paalala ng DOH sa publiko na umiwas na sa paggamit ng anumang uri ng paputok upang matiyak na magiging ligtas ang pagdiriwang nila ng Pasko at Bagong Taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.